Petecio, buhay pa ang kampanya sa Aiba Stint

Naitakas ni Nesthy Petecio ng Pilipinas ang isang tagumpay kontra kay Jucielen Romeu ng Brazil upang mapanatiling buhay ang kampanya nito para sa korona pero tumiklop ang batikang si Irish Magno sa kamay ng Intsik na si Zongju Cia sa pagsisimula ng malupit na bakbakang 2019 International Boxing Association (AIBA) Women’s World Boxing Championships sa Ulan-ude, Russia Huwebes ng gabi.
Nahugot ng tubong Santa Cruz, Davao Del Sur ang isang 3-2 na panalo laban sa Brazilian matapos makumbinsi ng tikas niya ang mga hurado mula sa Canada (29-28), Slovakia (30-27) at Mauritius (30-27).
Kay Romeu pumanig ang mga hukom ng Tunisia (28-29) at Ireland (28-29).
Pero matinding hamon ang susunod niyang sasagupain dahil ngayong Sabado, haharapin ng dating world championship silver medalist na Pinay ang 2nd seed sa 54kgs-57kgs na grupo na si Stanimira Petrova ng Bulgaria.
Sa kabilang dako, ang iskor na 4-1 ay unang inakalang pabor kay Magno dahil itinaas ng referree ang kamay ng Ilongga pero madali itong binawi at ibinigay ang panalo sa boksingera mula sa China na pasok sa pangkat ng 48kgs-51kgs. Tanging ang judge lang mula sa Turkmenistan ang napabilib ng 28-anyos na Pinay.





Comments