top of page
Kris Aquino C.H.I.K.A. - NETFLIX

Abot-kayang pabahay para sa mga guro, oks sa Pag-IBIG

  • Bong Revilla
  • Oct 5, 2019
  • 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Mula Setyembre 5 hanggang ngayong Oktubre 5, ipinagdiriwang ng ating bansa ang Teachers’ Month bilang pagkilala sa sakripisyo ng ating mga guro na unang humubog sa ating talino bago tayo nakarating kung nasaan man tayo ngayon.

Ngunit, ngayong araw mismo (Oktubre 5), ipinag­diriwang natin ang World Teachers’ Day. Kumbaga, hindi lang sa ‘Pinas kinikilala ang kanilang kadakilaan kung hindi sa buong mundo.

Kaya sobrang napa­pana­hon na kinumpirma ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement ang kaha­laga­han ng Senate Bill No. 660 o ang “An Act to Provide for a Housing Program for Teachers” na ating isinumite.

Para talaga sa mga guro ang bill dahil binibigyan nito ng malaking tulong ang mga guro na magkaroon ng disenteng bahay para sa kani-kanilang pamilya at hindi ‘yung palagi na lang silang nakatuon sa kanilang suweldo o dagdag-sahod, pensiyon at benepisyo sa kanilang pag­reretiro.

Maging ang Pag-IBIG mismo ay tumugon na sa panukalang ito at tiniyak nilang kaya nilang magbigay ng lima hanggang sampung bilyong piso para sa mga empleyado ng Department of Education (DepEd) kada taon, na higit na mas malaki kesa sa itinalaga nilang badyet para sa proposed housing loan program.

Sa ilalim ng bill na ito, ang pagpapatupad ng Teachers Housing Program ay may tatlong major financing schemes: Housing Loan, Developer Assistance Fund at Guarantee System Fund.

Ang housing loan ay maaaring magamit para makabili ng brand new house o isang luma, pero existing na residential area, puwede ring fully developed na lote o pang-reconstruction o pang-rehabilitation o restructuring ng existing na bahay sa kahit anong government housing o financial institution.

Sa umiiral na Developer Assistance Fund, ang public school teachers ay maaaring mag-avail hanggang 80 porsi­yentong loan para sa house and lot package na may presyong P120,000 o mas mababa pa.

Habang ang Guarantee System Fund ay nagbibigay naman ng housing loan sa teacher ng hindi lalagpas sa P150,000 na may interest rate na hindi lalagpas sa 12 percent.

Ang Pag-IBIG naman ay nagpahayag din na nagbi­gay na sila ng 4,444 housing loan para sa teaching and non-teaching personnel mula DepEd na binubuo ng 40 percent ng kabuuan ng kanilang total loans para sa 2018.

Isa pang magandang balita sa ating mga guro, nag-file rin ako ng resolution (P.S. No. 142) na naaprubahan ng Senado noong Martes na nagbibigay-parangal at papuri sa ating mga Pinoy teachers dahil sa kanilang tiyaga at pagsisikap para pandayin ang karunungan ng mga mag-aaral na nais matuto sa lahat ng henerasyon.

Ganyan kahalaga para sa atin ang mga guro. Panahon na para sila naman ang ating kalingain dahil sila ang tunay na bayani, kahanga-hanga!

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page