Mapua, binulabog ng bomb threat

Muling binulabog ng bomb threat ang Mapua University, kahapon ng umaga sa Intramuros, Manila.
Dahil dito, tuluyan nang sinuspinde ng Mapua management ang klase at ipinatupad na lamang ang ‘digital day’ kung saan ang klase ay isasagawa na lamang online.
Nabatid na isang text message mula sa numerong 09163778628, ang natanggap ng isang estudyante na siya namang nagpaabot sa security guard na si Alvin Manzano, alas-8:20 ng umaga.
Nakasaad sa mensahe ang pagbabanta na, “kami ang New People’s Army nagtanim ng BOMBA sa loob ng MAPUA University Intramuros, Manila. Makikita ang isa sa loob ng CR malapit sa N12, 9am magsimula ang pagsabog, mabuhay ang NPA”.
Pinuntahan ni Manzano ang naturang CR at nakita ang isang personal water bottle/container na may nakakabit na orasan na idineklara naman ng mga tauhan ng Manila Police District-Explosives and Ordnance Division (EOD) bilang ‘hoax’ o pekeng bomba dahil wala namang kumpletong component ng pampasabog.
Patuloy na nagsagawa ng inspeksiyon ang EOD at bandang alas-11:00 ng umaga nang idineklarang negatibo mula sa anumang pampasabog at iba pang hazardous materials ang Mapua campus. Nais lang umanong manakot ang gumawa nito.
Matatandaang, noong Setyembre 19 ay nagsuspinde rin ng klase ang Mapua University sa kanilang Intramuros at Makati campus dahil sa natanggap na bomb threat.
Nabatid na examination week nang makatanggap ng bomb threat ang Mapua sa Maynila at Makati.





Comments