Kita ng bansa apektado.. Holidays, bawasan

Pinalilimitahan ng isang kongresista ang mga holiday upang mapalakas pa ang produksiyon at kita ng bansa.
Sa inihaing House Bill 5032 ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda, pinaaamiyendahan nito ang Section 26, Chapter 7, Book 1 ng Executive Order 292 o Administrative Code of 1987 na layong i-rationalize ang mga holidays sa Pilipinas.
Ipinunto ni Salceda na malaking revenue ang nawawala sa rami ng holidays sa bansa bukod pa sa malimit na pagtama ng mga kalamidad.
Tinukoy ng kongresista na sa Pilipinas ang may pinakamaraming ipinagdiriwang o ginugunitang holidays na umaabot ng 21 hanggang 25 kada taon kumpara sa average na 15 holidays kada taon sa ibang ASEAN countries.
Sa ilalim ng panukala, magiging 18 na lang ang kabuuang bilang ng holidays sa isang taon.
Lilimitahan na sa siyam ang regular holidays na non-working days kabilang ang New Year’s Day - January 1; Good Friday - movable date; Eidel Fitr - movable date, Labor Day - pinakamalapit na Lunes sa May 1; Independence Day - June 12; All Saints’ Day- November 1; Bonifacio Day - November 30; Christmas Day - December 25 at Rizal Day - pinakamalapit na Lunes sa December 30.
May pito namang special day na working days na pagkakasunduan ng employers at mga empleyado mula sa 11 special days kung anu-ano ang mga ito na kanilang babayaran.
Kabilang sa special days na puwedeng pagpilian ay ang Chinese New Year-moveble date; EDSA Revolution- pinakamalapit na Lunes sa February 25; Maundy Thursday-movable date; Eidul Adha-movable date; Araw ng Kagitingan-pinakalamapit na Lunes sa April 9; Founding Anniversary ng Iglesia ni Cristo-July 28, Ninoy Aquino Day-pinakamalapit na Lunes sa August 21, National Heroes Day-huling Lunes ng Agosto, Nativity of the Blessed Virgin Mary-December 8, Christmas Eve-December 24 at December 31.
Mayroon ding 2 local holidays tulad ng Foundation Day at kapistahan ng siyudad at probinsiya.
Nakasaad din sa panukala na kapag pumatak ng Miyerkules o Linggo ang regular holiday o special day ay maaari itong iurong ng Lunes para maging long weekend.





Comments