top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg

Final 4 team ng NAASCU handa na sa playoffs

  • A. Servinio
  • Oct 4, 2019
  • 2 min read

Hindi na nag-aksaya ng panahon ang defending champion Saint Clare College of Caloocan, Philippine Merchant Marine School, Enderun Colleges at Saint Francis of Assisi College sa quarterfinals ng 19th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) matapos burahin ang kanilang mga kalaro sa napunong Caloocan Sports Complex noong Miyerkules.

Sinigurado ng apat na paaralan na hindi mawawala ang kanilang pinaghirapang twice-to-beat advantage. Umarangkada agad ang Saint Clare laban sa De La Salle Araneta University, 12-0 para maitala ang 83-65 na panalo. Namuno sa Saints si Mohamed Pare na may 20 puntos, 17 rebounds. Sinundan Jan Dominic Formento na may 16 puntos sa loob lang ng 19 minuto.

Haharapin ng Saints sa seryeng best-of-three ang unang pumasok na PMMS matapos talunin ang Our Lady of Fatima University, 65-61. Kahit hindi masyadong nakalaro dahil sa problema sa foul, bumalik si Bryan Hilario sa last quarter at gumawa ng limang sunod na puntos upang ibalik ang kalamangan sa kanilang kamay papasok sa huling dalawang minuto, 61-56, at isampa ang Mariners sa unang Final 4 buhat nang sumali sa liga noong 2016.

Nanguna sa PMMS sina Wendel Attas at Joshua Templo na parehong may 14 puntos. Sumunod si Jacob Galicia na may 11 puntos. Hinigpitan ng Enderun Colleges ang depensa sa mga shooter ng Philippine Christian University, 63-45, para makabalik sa Final 4 sa ikalawang sunod na pagkakataon.

Natalo ang Titans sa Saints noong 2018 sa championship at iyan ang dahilan para makabawi at maagaw ang korona. Nagsabog ng limang tres si Austin Veloso para sa 16 puntos at 6 na rebound.

Nag-ambag ng 12 puntos at 13 rebound si Pierre-Marie Kouakou. Naghihintay sa Titans ang Saint Francis of Assisi na nagtagumpay sa New Era University sa isang pisikal at mainitang laro, 59-53. Binuhat ng guwardiyang rookie na si Joshua Bongon ang Doves sa bisa ng 21 puntos, 4 rebound at limang agaw. Magsisimula ang 19th NAASCU Final 4 sa Martes. Ihahayag agad ng pamunuan ng liga ang lugar at oras.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page