Tinakbuhan at pinagtawanan ng mister, sign na boring ang relasyon
- Socrates Magnus
- Oct 3, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Angeline ng Angeline_Terencio@facebook.com
Dear Professor, Lumabas daw kami ng asawa ko sa bahay tapos, nu’ng nasa labas na kami, bigla akong iniwan ng asawa ko at akala ko ay binibiro lang niya ako pero, nu’ng hinahabol ko siya ay lalo niyang binilisan ang pagtakbo at hindi siya humihinto kahit tawagin ko siya. Hindi ko na kinaya dahil napagod ako sa katatakbo para habulin siya at naiiyak na ako sa sama ng loob dahil sa ginawa ng asawa ko. Tapos, nu’ng nasa malayo na siya, kitang-kita ko na pinagtatawanan niya ako at nagpatuloy siya sa pagtakbo.
Naghihintay, Angeline
Sa iyo Angeline, Alam mo, nakakasawa ang matatamis na pagkain dahil sabi nga nila, nakauumay na ang paulit-ulit na pagkain ng masasarap na pagkain. Aminin mo man o hindi, ganyan ang nararanasan mo ngayon kung saan sawa ka na sa masayang buhay na pinagsasaluhan ninyo ng asawa mo. Ang isa pang masasalamin sa panaginip mo ay ang katotohanan na matagal na nang huli kang umiyak.
Ganito ang katotohanan sa likod ng mga panaginip kung saan kapag naiyak sa panaginip, ibig sabihin, matagal nang hindi umiiyak ang nanaginip. Kaya kapag nanaginip ng hindi maganda ang pagsasama ng mag-asawa, ibig sabihin, matagal nang hindi nagkakasamaan ng loob ang dalawa. Ang kabuuan ng iyong panaginip ay nagsasabing, boring ang buhay mo at bagot na bagot ka na sa araw-araw na nangyayari sa iyo.
Para magamot ang iyong pagkabagot, narito ang ilang rekomendasyon:
Pagdating ng mister mo, huwag mo agad siyang kikibuin.
Ipagluto mo siya ng hindi masarap, mas maganda kung maalat at sa kape naman, kunwari ay nakalimutan mong lagyan ng asukal.
Sa pagtulog, matulog ka nang nakatalikod sa kanya.
Huwag mo siyang gisingin at hayaan mo siyang magising nang kusa at huwag mo ring ipaghanda ng almusal.
Huwag mo siyang bigyan ng kiss bago umalis.
Huwag mong kumustahin o kunwari ay nakalimutan mong mag-text o hindi mo makita ang cellphone mo.
Gawin mo ang mga nabanggit dahil ang mga ito ang kailangan mo nang sa gayun ay magkaroon ng gap ang maganda ninyong pagsasama. Ito rin ang magsisilbing daan upang pagkatapos ng lahat ay lalo pang gumanda ang inyong pagsasama.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo




Comments