P1 bilyon ang damage, mga radio stations damay.. Star City sinunog

Posibleng sinadya ang pagsunog sa Star City na naganap kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Pasay City Fire Marshall Superintendent Paul Pili, isang kahina-hinalang Twitter post ang ipinakita sa kanila ng ballet dancer na si Lisa Macuja, asawa ng may-ari ng amusement park na si Fred Elizalde.
Nakalagay doon ang tila pagbabantang, “Star City will die”.
Nagtataka rin umano ang mga bumbero kung bakit tila sabay-sabay nagsimulang nasunog ang iba’t ibang bahagi ng Star City.
Gayunman, bukod sa arson, posible rin umanong problema sa kuryente ang sanhi ng insidente.
Sa inisyal na imbestigasyon, alas-12:22 ng hatinggabi nang sumiklab ang apoy sa stockroom ng mga stuffed toy at mga papremyo na agad kumalat sa ibang bahagi ng gusali ng Star City.
Dahil sa sunog, bumagsak ang bubungan ng Snow World attraction at nasira rin ang Star Theater.
Apektado rin ang Manila Broadcasting Company (MBC) na nagmamay-ari ng ilang radio stations tulad ng Love Radio at dzRH. Tuloy naman ang operasyon ng mga himpilan ng radyo na may pangalawang tanggapan sa Pasig City.
Samantala, tinatayang aabot sa halos P1 bilyon ang halaga ng pinsala ng sunog.
Kaugnay nito, pansamantala munang isasara ang Star City sa loob ng isang taon, ayon sa pamunuan nito.





Comments