P-Digong umaming biktima rin.. Hazing, hindi kayang pigilan

Matapos ang mahigit isang taong paglagda sa Anti-Hazing Act of 2018, aminado si Pangulong Rodrigo Duterte na imposibleng matigil ang hazing sa bansa.
Inamin din ng Pangulo na biktima rin siya noon ng hazing kung saan naospital siya ng tatlong araw dahil sa massive hematoma.
Sinubukan din umano niya at ng kanyang mga kasamahan sa fraternity na ipatigil ang hazing ngunit, walang nangyari rito.
“Me, I’d like to tell you, I was hospitalized for three days, massive hematoma. Then at one time, in our — ako, si Justice Santos ng Supreme Court, saka si Bambit Mendoza, another classmate of mine, dalawa ‘yan sila — we wrote our fraternity and asked earnestly to do away with the physical. Wala rin, eh. Hindi mo talaga maalis ‘yan,” sabi ni Pangulong Duterte sa press conference bago tumulak sa Russia.
“You know, ikaw pumasok ka, ‘pag nahuli ka, sorry ka. Hindi mo talaga matanggal ‘yan,” ani P-Duterte.
“Unless you ban fraternity for all time. Make it a criminal offense by joining a fraternity. But that would raise so many constitutional issues. Hindi mo talaga mapigilan ‘yan,” diin pa ng Pangulo.
Aniya, naging bahagi na ito ng kultura ng mga fraternities kaya hindi magiging madali na tuldukan ang nakaugalian na.
Gayunman, iginiit ng Pangulo na hindi dapat sumobra ang ritwal na maaari nang ikamatay ng isinasailalim sa hazing.
“Hindi mo maalis ‘yan, noon pa ‘yan. Santo Tomas hazing, sa amin, dito sa… Record kami tatlo in the years that — starting sa ‘yung generation ko. Prangka-prangka na, hindi mo maalis ‘yan. ‘Wag lang sumobra. Ayan sinobrahan mo,” sabi pa niya.
“You know, there are rules to follow. You break the rules, you go to jail. Ganu’n lang ‘yan. Or you die. Those are simple matters in life,” ayon pa sa Pangulo.
“But hazing? Hindi mo maalis ‘yan,” dugtong pa ng Punong Ehekutibo.
Nabatid na si Pangulong Duterte ay miyembro ng San Beda University-based Lex Talionis Fraternitas.
Muling naging kontrobersiyal ang hazing matapos masawi kamakailan ang Philippine Military Academy Cadet 4th Class na si Darwin Dormitorio dahil sa pagmamaltrato ng mga kapwa kadete.
Matatandaang noong June 2018, pinirmahan ni Pangulong Duterte ang Anti-Hazing Act of 2018 o ang Republic Act No. 11053, na nagbabawal sa lahat ng uri ng hazing.





Comments