Marinero-BRT Basilan, agawan na sa korona

Magsisimula na ang pagtutuos ng pinakamahuhusay na koponan sa 2019 PBA D-League Foundation Cup na Marinerong Pilipino at BRT Sumisip Basilan-St. Clare sa pagbubukas ng kanilang Finals series ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Ang Skippers ang itinalagang paborito na magwagi ngayong conference, matapos ipanalo lahat ng nauna nilang 9 na laro kabilang na 2-game sweep nila sa Technological Institute of the Philippines sa semifinals.
Masaya si coach Yong Garcia na nakatuntong ang Marinerong Pilipino sa Finals sa unang pagkakataon mula nang sumali sa developmental ranks noong 2017, ngunit hindi sila nakuntento sa hanggang appearance lamang. “We’re happy na nasa Finals kami pero mas masaya siguro kung makuha namin ‘yung championship,” ani Garcia.
Inaasahang muling mamumuno sina leading Conference MVP candidate Eloy Poligrates at mga kapwa niya beteranong sina Mark Yee at Dan Sara ang Marinerong Pilipino.
Siguradong matinding hamon ang ibibigay sa kanila ng BRT Sumisip-St. Clare.
Bagamat naniniwala si coach Stevenson Tiu na sila ang underdog sa championship bout, hindi nangangahulugan na isusuko na lamang nila ang laban sa Skippers. “Obviously underdog kami. But I told them, na-reach natin Finals, so it’s your time to shine,” ani Tiu.
Inaasahan na muling mangunguna para sa Saints sina Malian center Mohammed Pare, Joshua Fontanilla at Junjie Hallare para sa BRT Sumisip-St. Clare. Laro ngayon: Ynares Sports Arena, Pasig: Game One of Best-of-3 Finals 3:30 p.m. - BRT Sumisip Basilan-St. Clare vs Marinerong Pilipino.





Comments