Yulo, bibida sa FLG artistic Gymnastics World C’Ships

Tutulak na ang FIG Artistic Gymnastics World Championships sa Stuttgart, Germany simula ngayong Biyernes, Okt. 4, 2019 at isa ang mukha ng Philippine Gymnastics na si Carlos Edriel Yulo sa mga nakalista sa gustong magmarka sa matinding kompetisyon.
Patapos na ang kasalukuyang taon at hindi natitinag sa unahang puwesto sa Federation Internationale de Gymnastique (FIG) world ranking ng Men’s Artistic Gymnastics - floor exercise ang 19-anyos na Pinoy na nagsimula sa larangang ito noong 7- taong gulang pa lang siya at ngayon ay nag-aambisyon nang makasabak at makakuha ng ginto sa 2020 Tokyo Olympics.
Si Yulo ay may rekord na 70 puntos para trangkuhan ang Male Gymnasts sa floor exercise sa buong mundo. Tinuntungan ng Pinoy ang pag-akyat sa podium ng mga bakbakan sa Germany, Australia at Qatar.
Sa 43rd Turnier der Meister FIG Individual Apparatus World Cup noong 2018 sa Cottbus, Germany, sumikwat siya ng 20 puntos dahil sa pagiging tersera. Nanggulat siya sa Australia matapos itong magkampeon sa Melbourne FIG World Cup 2019 at kumulekta ng 30 puntos. Nadagdagan din ng 20 puntos ang kartada dahil sa pagiging 1st runner-up sa Doha FIG World Cup sa Qatar.
Ang Kastilang si Rayderley Zapata na naka-podium sa Melbourne (19 puntos) Baku (20 puntos) at Doha (25 puntos) nakatutok sa binatilyong Pinoy at bahagyang nalalamangan lang ni Yulo ng anim na puntos. Ang dalawang korona na inangkin ni Artem Golgopyat ng Israel ay sapat na para mahawakan niya ikatlong baytang dala ang 60 puntos.
Kasalukuyang gumagabay kay Yulo bilang coach ay si Munehiro Kugimiya ng Japan kung saan nakabase ang Pinoy bilang bahagi ng Japanese Gymnastics Training Center sa Tokyo.





Comments