Para sure hit… Ritken serye, tinambakan ng malalaking artista

Magaling na artista si Amy Austria. Kahit anong klaseng role ang ibigay sa kanya, tiyak na magmamarka lalo na kung drama.
Pero, tumatanggap din siya ng light role tulad ng kanyang papel sa rom-com seryeng One of the Baes kung saan nanay siya ni Jowalyn (Rita Daniela) na nawalay nang matagal na panahon.
Magkakatapatan sila sa aktingan ng beauty queen-actress na si Ms. Melanie Marquez (dating Ms. International).
Kahit sinong artista, tiyak na paghahandaan nang husto kapag kaeksena ang isang Amy Austria kaya swak kay Melanie ang kanyang funny character sa One of the Baes upang hindi siya “lamunin” at talbugan ni Amy sa kanilang mga eksena.
Kailangan na mapansin siya ng mga viewers kaya isang “maingay” pero sosyal na Melanie Marquez ang mapapanood sa serye.
Kuwidaw lang si MM sa mga fans ni Rita Daniela (Jowalyn) dahil tiyak, makakatikim siya ng bashing sa ginagawa niyang pang-aapi at pagmamalupit kay Jowalyn.
At sa pag-entra ni Paps Fernando (Roderick Paulate) na tatay ni Jowalyn, tiyak na riot na ang magiging eksena dahil palaban din ito.
Suwerte nina Ken Chan at Rita Daniela na malalakas at de-kalibreng artista ang sumusuporta sa kanila sa One of the Baes sa pangunguna nina Amy, Melanie, Roderick, Tonton Gutierrez, Jestoni Alarcon, Rodjun Cruz, Maureen Larrazabal, atbp..





Comments