Opisyal sa MPD, mga kapwa pulis ang niraraket, hinihingan ng tongpats para perfect attendance kahit
- Jun R. Guillermo
- Oct 2, 2019
- 2 min read
Nakatanggap tayo ng reklamo mula sa hanay ng kapulisan ng Manila Police District (MPD) na isang parak na may ranggong Police Executive Master Sergeant (PEMS) na nakatalaga sa isang unit ng nabanggit na kampo ang sobrang lupit sa kapwa nito pulis kung saan ang pinagkakaabalahan nito ay ang mag-check ng attendance ng mga pulis sa nasabing distrito.
Ayon sa reklamo ng mga parak na masama ang loob sa kanya, nais nilang matigil na ang raket nito na pinag-iinitan ang ibang kapwa parak at humihingi rin ito ng tongpats para gawing ‘present’ sa duty ang pulis kahit absent naman talaga, pwe!
Dagdag pang reklamo ng mga naiinis sa abusadong pulis na itago natin sa alyas na Matandang Walang Pinagkatandaan, sa isang opisina ng mga tiwaling parak na tinaguriang “kangkungan”, tumatanggap daw ito ng P3K kada linggo kaya ang mga parak daw dito ay ‘present’ palagi kahit absent na ang ibig sabihin ay mga nakalubog.
Dinoble na nga ang suweldo mo, pero puro anomalya pa rin ang ginagawa mo, na ang gusto mo ay tumanggap din ng ‘lagay’ na tulad ng tinatanggap mo sa opisina ng ‘kangkungan’. Pwe ka ulit!
Matagal na raw ang ganitong kalakaran ni alyas Matandang Hukluban kaya gusto ng mga matitinong parak na matigil na ang raket nito dahil nawawala na ang kanilang sipag at bumababa na rin ang kanilang moral sa pagtatrabaho dahil sa bulok na sistema sa pamunuang kanyang pineperahan lang.
MPD District Director B/Gen. Vicente Danao, Jr., tinatawagan ng mga gumagalang at umiidolong pulis sa inyo na habang may oras pa, putulan na ninyo ng sungay ang matandang pasaway na ito na nakasisira sa magandang imahe ng Manila Police District.
Hinihintay ng mga matitinong parak ang aksiyon ninyo rito, general hanggat hindi pa huli ang lahat!
Ikaw kaibigan, anong sey mo?
Palaging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Mas ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!





Comments