Mga namatayan ng baboy, lugi na, waiting pa sa P10 thou na tulong ng gobyerno

Umabot na sa 20,000 baboy na apektado ng African Swine Fever (ASF) ang pinatay ng Department of Agriculture (DA).
Dahil dito, maraming hog raisers ang umaaray. Kahit kasi hindi infected ang kanilang alaga, kinailangan itong patayin dahil nasa isang kilometro ng lugar kung saan may namatay dahil sa virus, base sa protocol at safety measures.
Kaugnay nito, gumawa ng hakbang ang lokal na pamahalaan ng Rodriguez, Rizal para tulungan ang mga hog raiser sa lugar.
Sinimulan na kahapon ang pamamahagi ng P10, 000 livelihood assistance sa bawat hog raiser na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF).
Sa 1,355 hog raisers na nagpatala sa munisipyo matapos mamatayan ng baboy, 200 sa kanila ang nabigyan ng nasabing halaga habang ang mga nalalabi ay hindi pa mabibigyan dahil kailangan pang isailalim sa inspeksiyon ang kanilang babuyan.
Mula Setyembre 17 hanggang 20, nagpatala sa munisipyo ng Rodriguez ang mga namatayan ng alagang baboy gayundin ang mga baboy na kinailangang kumpiskahin ng DA.
Hindi pa man tapos ang pagresolba sa ASF, magandang hakbang ito para tulungang makabangon ang mga apektadong hog raiser dahil malaki ang nawala sa kanila at kahit puhunan nila ay hindi nila nabawi.
Hindi biro ang mawalan ng kabuhayan o malugi kaya sana, hindi lang ito sa Rodriguez, Rizal gawin kundi maging sa iba pang lugar.
Hanggang ngayon ay marami pa ring hog raisers ang hirap magtaguyod ng kabuhayan kaya ang panawagan sa mga lokal na pamahalaan, lahat ng apektadong hog raisers sa bansa, tulungan!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments