Dagdag-buwis sa POGO

Inihihirit na patawan ng corporate income tax ang bawat makina o computer na pinatatakbo ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ayon kay House Ways and Means Committee Chairman at Albay Rep. Joey Salceda, $1,000 o katumbas ng tinatayang P50,000 ang dapat na maipataw na buwis sa bawat seat o computer ng POGO.
Magsisilbi aniya itong “circuit breaker” upang kontrolin ang mabilis na pagsulpot ng online gaming firms sa kabila ng 1.5 percent na naiaambag nito sa gross domestic product (GDP).
Kapag naisabatas, sinabi ni Salceda na makalilikom ang gobyerno ng P25 bilyon bukod pa sa makokolekta ng Bureau of Internal Revenue na P76 bilyon na withholding tax.
Sa kabuuan, P101 bilyon kada taon ang malilikom na kita ng gobyerno na malayo sa P300 milyon na binabayaran ng POGO sa Philippine Gaming Corporation (PAGCOR) para sa prangkisa.
Dagdag pa ng kongresista, ipasasama sa Bangko Sentral ng Pilipinas ang POGO bilang isang hiwalay na item sa Balance of Payment account sa ilalim ng service exports tulad ng business process outsourcing.





Comments