Para walang magulang na inaabandona, mga anak, obligahing mag-alaga
- Ryan B. Sison
- Oct 1, 2019
- 2 min read

Naghain ng panukalang-batas si Senator Panfilo “Ping” Lacson para parusahan ang mga mag-aabandona sa mga magulang na may edad na at maysakit.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 29 o Parents Welfare Act of 2019, inoobliga ang mga anak na suportahan ang kanilang mga magulang na matanda, maysakit at hindi na kayang magtrabaho.
Ang mga magulang na nangangailangan ng suporta ay maaaring maghain ng petition for support sa korte at hilingin na masuportahan ng kanilang anak.
Gayunman, Public Attorney’s Office (PAO) ang tatayo bilang abogado ng mga magulang na maghahain ng petisyon habang ang mga anak na mag-aabandona sa magulang ay parurusahan ng anim hanggang sampung taong pagkakakulong at multa na hindi bababa sa P300, 000.
Nakasaad din sa panukala na magtatayo ng Old Age Homes para sa mga elderly, sick o incapacitated na mga magulang sa bawat lalawigan at highly urbanized city.
Matapos ihain ang panukala, maraming umalma dahil anila, magiging retirement plan lang ng mga magulang ang anak kung sakaling maaaprubahan ito.
Gayundin, gustuhin man ng ilan na suportahan ang kanilang magulang, paano kung sapat lang ang kanilang kinikita para sa sariling pamilya?
Bagama’t, maraming naniniwalang hindi dapat iasa ng magulang sa anak ang suporta na kailangan nila kapag sila ay nagkasakit at tumanda, sana, hindi tayo mawala sa tabi nila sa panahong kailangan nila tayo.
Hindi lahat ay may kakayahang magbigay ng pinansiyal na suporta lalo na at may kani-kanyang pamilya na pero lahat tayo ay may kakayahang tumulong sa ibang paraan.
At walang perpektong magulang pero, hindi ito dahilan para abandonahin sila dahil anuman ang mangyari, sila ang nagpalaki at nag-aruga sa atin.
Samantala, hindi pa ito ganap na batas, pero ang tanong ng ilan, paano kung ang mga magulang nila ang nag-abandona sa kanila noon?
Paano kung nagkasundo ang dalawang panig na walang obligahan pagdating ng panahon? Sana, bigyang-linaw din ito sa panukala.
Anuman ang mangyari, panawagan sa lahat, pahalagahan ang mga magulang hangga’t may pagkakataon pa dahil ‘ika nga, hindi na natin maibabalik pa ang panahon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.




Comments