Rambol sa City Jail, 2 todas, 34 pa nadale

Utas ang dalawa habang sugatan ang 34 pang Persons Deprived of Liberty (PDL) sa nangyaring riot sa pagitan ng Sigue-Sigue Sputnik at Batang City Jail (BCJ) kahapon ng umaga sa Manila City Jail sa Maynila.
Nabatid na ang pagkamatay ng mga PDL na sina Lito Escala, 39, at Alvin Royo, 37, ay tinangka pa umanong itago ni MCJ Spokesperson J/Senior Insp. Jayrex Bustinera matapos nitong sabihin na suntukan lang ang nangyari sa inmate.
Sa report naman ng Manila Police District-Police Station 3, alas-8:30 ng umaga nang ideklarang patay sa Jose Reyes Memorial Center (JRMMC) ang dalawang PDL na hindi naman sinabi kung anong ‘gang’ sila miyembro at kung ano ang sanhi ng kanilang pagkamatay. Alas-6:28 ng umaga nang mangyari umano ang komosyon sa Dorm 11 at 12 (Bgy. Paraiso) ng Manila City Jail.
Sinabi ni Bustinera na 34 inmates ang sugatan nang sumiklab ang riot sa pagitan ng dalawang grupo na nagsimula lamang sa sagutan ng dalawang preso na nauwi sa pagkakampihan hanggang sa magkasuntukan.
Nabatid na siyam umano sa PDL na nasugatan ay isinugod sa JRRMC habang ang 25 naman ay dinala sa Infirmary Clinic para lunasan. Sinabi ni Bustinera na napayapa ang kaguluhan matapos ang 10 minuto pero, nasugatan pa rin ang mga inmates.
Nilinaw ni Bustinera na suntukan lamang ang nangyari at walang ginamit na anumang armas o patalim. Kaugnay nito, sinabi naman ni J/Insp. Nelmar Malemata ng MCJ, hindi pa malinaw sa kasalukuyan ang pinagmulan ng gulo.
Gayunman, inamin niya na nitong mga nakalipas na araw ay napapansin na nilang mainit ang ulo ng mga inmates dahil sa sumiklab na kontrobersiya dahil sa Good Conduct Time Allowance (CGCTA) para sa pagpapalaya sa mga preso.
Sinabi ni Malemata na marami sa mga ito ang nabubugnot dahil sa naunsiyami nilang paglaya.





Comments