PVL collegiate: Lady Blazers lusot; Ateneo una sa semis

Nakaiwas sa muntik na sanang pagbagsak ang College of St. Benilde at pinadapa ang dating walang talong Adamson, 26-24, 29-27, 17-25, 21-25, 15-13, upang makauna sa kanilang serye kahapon sa 2019 PVL Collegiate Conference semifinals sa FilOil Flying V Center.
Nabura ang naitalang dalawang sets na kalamangan, nakabawi ang Lady Blazers at pinigil ang tuluyang pagbalikwas ng Lady Falcons sa pamumuno nina Klarisa Abriam, Gayle Pascual at Mycah Go.
Namuno ang nabanggit na tatlong manlalaro ang pagratsada ng Lady Blazers sa simula ng decider, 10-6 kasunod ng pagpatas ng Lady Falcons sa 2-sets all.
Pero nakadikit pa rin sa pamumuno ni Trisha Genesis ang Adamson sa iskor na 10-11. Dalawang ulit pa silang tumabla mula roon, pinakahuli sa iskor na 13 all matapos ang isang off the block kill ni Lucille Almonte. Ngunit, pagkatapos noon, ibinigay ni Abriam sa St. Benilde ang match point na sinundan áng regalong setpoint ni Rizza Cruz dahil sa net infraction.
Nagtala si Abriam ng 27 puntos bukod pa sa 16 excellent digs upang tulungang ilapit ang St. Benilde sa finals. Si Ceasa Pinar ang namuno sa nabigong Adamson sa kanyang itinalang game-high na 28 puntos bukod pa sa 15 excellent digs kasunod si Genesis na may 17 puntos at 24 excellent receptions.
Sa ikalawang laban, sa pangunguna ni Rookie Faith Nisperos, nagwagi ang Ateneo de Manila kontra University of Santo Tomas, 25-15, 26-28, 25-16, 25-18, kahapon sa Game 1 ng kanilang best-of-3 semifinals.





Comments