Mga pabayang lider, bingi sa sigaw ng nasisirang kalikasan at mga nagugutom
- Fr. Robert P. Reyes
- Sep 30, 2019
- 2 min read
“Naririnig ba natin ang dalawang magkaugnay na sigaw, ang sigaw ng kalikasan at mga dukha?” Ito ang tanong ni Papa Francisco sa World Day of Prayer for the Care of Creation noong ika-1 ng Setyembre 2019.
Hindi dukha ang kalikasan at tao dahil likas na mayaman ang dalawa. Nilikha ng Diyos ang mga ito na puspos ng Kanyang pagpapala.
Hindi gusto ng Diyos na masira at tuluyang mamatay ang Kanyang mga nilikha. Pero, bakit tila habang tumatagal ay nasisira at tuluyang namamatay ang maraming bahagi ng kalikasan at tao?
Bawat isa ay may kani-kanyang tinig, tinig na maaaring gamitin para sa tama o para sa mali.
At isa sa mga tinig na nais mapakinggan ay ang mula kay Greta Thunberg.
Kamakailan, nagsalita si Greta sa United Nations, sa harap ng mga kinatawan ng iba’t ibang bansa at tinalakay nito ang global warming at climate change.
Isang batang babae si Greta, pero matapang siyang nagsalita para sa kanyang mga ipinaglalaban.
“This is all wrong. I shouldn’t be standing here. I should be back in school on the other side of the ocean. Yet you all come to me for hope? How dare you!”
Kinagalitan niya ang mga pinuno ng mga makapangyarihang bansa ng mundo.
“You have stolen my dreams and my childhood with your empty words. And yet I’m one of the lucky ones. People are suffering. People are dying. Entire ecosystems are collapsing,” dagdag pa nito.
Samantala, noong sumunod na araw, binagtas ng ‘Kariton ni Kiko’ kasama ang siyam na volunteers ang San Isidro Labrador sa Barangay Pinyahan, Quezon City.
Napakaraming maralitang tagalungsod sa mga kalye kahit madaling-araw ‘yun. Naroroon ang mga batang hamog, nagtitinda ng sampaguita at hindi mabilang na “kariton families”.
Walang reklamo ang mga ito, pero makikita sa kanilang kalagayan na karamihan sa kanila ay nagugutom pero walang pambili ng pagkain.
Isa-isa namin silang kinausap at kinumusta, ayon sa kanila, madalas ay itinutulog na lang nila ang gutom.
Sa kaunting panahon na nakausap namin sila, damang-dama namin ang lungkot sa kanilang bawat salita.
Sa patuloy na pagpapabaya ng simpleng mamamayan at lider ng bansa, muli nating maririnig nang sabay ang sigaw ng kalikasan at sigaw ng mga dukha.





Comments