Jeep nahulog sa bangin, 2 patay, 11 sugatan

Patay ang dalawang pasahero ng jeep habang nasa 11 ang sugatan nang mahulog sa bangin sa Kalamansig, Sultan Kudarat, kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jamil Ampatuan Guiampaca, 20, at Naif Pagatan Etto, 7, kapwa residente ng Cotabato City.
Batay sa report ng Kalamansig Police, lulan ang mga biktima sa Bongo Mazda na isang uri ng pampasaherong sasakyan patungong Balut Island mula sa Cotabato City.
Gayunman, pagsapit sa matarik na bahagi ng kalsada sa Sitio Babancao, Bgy. Paril ay bigla na lamang bumigay ang preno ng sasakyan.
Dahil dito ay nawalan ng giya ang driver na si Sammy Sedik Alimao at tuluyang bumulusok ang sasakyan sa bangin na may mahigit sampung metro ang lalim.
Agad namang rumesponde ang rescue volunteers ng Kalamansig MDRRMO at dinala sa Sultan Kudarat District Hospital ang mga sugatan habang ang iba pang pasyente ay inilipat sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City.
Karamihan umano sa mga biktima ay mga estudyante na nagkayayaang maligo sa Balut Island.





Comments