Nagkarambola.. 6 na sasakyan sumabog, naabo
- Janice Baricuatro
- Sep 29, 2019
- 1 min read

Nauwi sa mga pagsabog at malaking sunog ang pagkarambola ng anim na sasakyan dahil sa trak na nawalan ng preno habang bumabagtas sa kahabaan ng Governor’s Drive, Carmona, Cavite, kahapon ng umaga.
Halos maabo ang anim na sasakyang nadamay sa insidente at nagkabuhul-buhol ang trapiko.
Ayon kay Police Chief Insp. Rommel Carcellar, alas-5:20 ng madaling-araw nang mawalan ng preno ang dump truck na walang plaka na minamaneho ni Doy Yanga Espiritu, ng San Jose, Porak, Pampanga na may kargang buhangin at patungo ng Laguna.
Inararo nito ang mga bus na QBL bus shuttle (WIE 857) na minamaneho ni Rahndell Toba, ng Dasmariñas, Cavite at DNS bus shuttle, walang plaka, na minamaneho naman ni Vincent Guyha Estorco, ng Silang, Cavite, na nasa kanyang unahan.
Nagtuluy-tuloy pa ang nasabing trak sa kabilang linya ng kalsada kaya nasalpok nito ang paparating na tractor head (NAK 2057) na minamaneho ni Ramil Lumaban Macahilos, ng Nueva Viscaya, na may kargang mga bakal.
Sumabog at tuluyang nasunog ang mga sasakyan at nadamay din ang Suzuki Ertiga (UF4279) na minamaneho ni Celsie Baltazar Cervera ng La Union at isa pang Isuzu truck (ADK 1810) na minamaneho naman ni Christopher
Ricohermoso Calisin, ng Quezon.
Wala namang naiulat na namatay sa insidente habang ginagamot ang driver at pahinante ng trak na nawalan ng preno.





Comments