Inihalo, akala flavoring.. 12 estudyante, nadale sa popcorn
- Vyne Reyes
- Sep 29, 2019
- 1 min read

Isinugod sa ospital ang 12 estudyante makaraang sumama ang pakiramdam matapos kumain ng popcorn sa Polangui, Albay, kamakalawa.
Ayon sa Josefina Belmonte Duran Memorial District Hospital sa Ligao City, nasa mabuti nang kondisyon ang mga estudyante sa Grade 7 ng Polangui General Comprehensive High School matapos makaranas ng pananakit ng ulo at tiyan, gayundin ng pagsusuka nang maubos ang kinaing popcorn.
Ayon sa isa sa mga biktima na si ‘Ella’, may hinalo sila sa popcorn na inakala nilang flavoring ngunit, lumalabas na ito ay drying agent.
Nabili umano ang popcorn sa isang tindahan sa Legazpi City at pinagsaluhan ng mga magkakaklase nang mag-recess.
Gayunman, makalipas ang ilang minuto ay nagsimula nang sumama ang kanilang pakiramdam.
Sinabi ni Dr. Ma. Judy Manlangit na napagkamalan ng mga estudyante na pampalasa ng popcorn ang mixed desiccant na ginagamit bilang drying agents na nag-aalis ng alinsangan ng hangin.





Comments