Grab, walang kadala-dala; no show customers, dumarami na naman

Nag-viral ang isang GrabFood driver nang mabiktima ng no-show customer sa Pasay City.
Ayon sa post ng netizen, napilitan ang rider na ibenta ang 14 piraso ng milk tea sa mas murang halaga para mabawi ang P1, 900 na ipinang-abono nito.
Dagdag pa ng netizen, sinabi ng rider na luging-lugi ito dahil kulang pa ang kikitain niya bilang pambili ng gatas ng kanyang anak.
Dismayado ang netizens dahil anila, walang kadala-dala ang Grab dahil napakarami na ng ganitong insidente, pero tila walang ginagawang hakbang ang kumpanya para hindi na maulit ang mga ito.
Dahil dito, ang suhestiyon ng netizens, ibahin ang mode of payment kung saan dapat nang tanggalin ang cash-on delivery (COD) at gumamit na lang ng e-wallet o credit at debit cards.
Gayundin, dapat umanong dagdagan ang requirements sa paggawa ng account tulad ng valid ID para makumpirma ang pagkakakilanlan ng user at madali itong ma-track.
At kung mapatutunayang no-show ito, dapat bigyan ng kaukulang parusa para maturuan ng leksiyon.
Naiintindihan natin na ginagamit ang COD para protektahan ang mga kostumer mula sa mga pasaway na rider, pero sana, protektahan din ng Grab ang kanilang rider dahil araw-araw silang nakikipagsapalaran sa kalye tapos ang ending, no-show ang kostumer at na-prank lang sila. Tsk!
Sa totoo lang, napakalaking tulong ng mga ganitong uri ng services kaya ang panawagan sa mga kostumer, maging responsable at huwag itong abusuhin.
Marangal na trabaho ang ginagawa ng mga rider para buhayin ang kanilang pamilya habang ginagawa pa itong sideline ng iba para magkaroon ng extra income.
Paalala sa lahat, bilang kostumer, kapag hindi ninyo kayang magbayad, huwag nang umorder at manloko dahil hindi natin alam na ang ipinang-aabono ng rider ay nakalaan para sa kanyang pamilya.
At panawagan sa Grab, okay lang alagaan ang mga kostumer pero sana, gumawa rin kayo ng hakbang para tulungan ang mga rider!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments