Baka Sakali ni: Mari

Naalala ko pa kung paano kita nakilala, ito ay dahil sa itim na bag na lagi mong dala-dala.
Sa palaging pagyuko mo dahil nahihiya ka sa madla at higit sa lahat, ang katalinuhan mong kayhirap abutin katulad ng mga tala.
Dahil sa aking kuryosidad, hinanap ang iyong pangalan at ako nama’y nagalak.
Dahil sa pangalawang pagkakataon tumibok nang mabilis ang pusong huminahon ng ilang taon.
Nagdaan ang ilang buwan, napadalas ang kagustuhan na ika’y masilayan.
Hindi ko maintindihan ang aking nararamdaman, ito ba’y dahil ikaw na ang laman ng pusong dating sugatan?
Ako’y natatakot kung ano ang kahahantungan dahil minsa’y dumaan na rin sa
tulay ng walang kasiguraduhan.
Ano kaya ang mangyayari kapag iyong nalaman? Na ang tulad kong ito’y nabihag mo nang hindi mo namamalayan.
Dito nagsimula ang walang humpay na “baka sakali”.
Baka sakaling iyong ma-pansin kahit hindi kapansin-pansin, baka sakaling iyo ring gustuhin at baka sakaling kaya mo ring turuan ang puso mo na ako’y mahalin.
Ngunit bigla akong nagising sa reyalidad kung saan mas matimbang ang sakit dahil sino ba ako para bigyan mo ng pansin? Sino ba ako para iyong gustuhin? At higit sa lahat, sino ba ako para iyong mahalin?
Magandang araw, mga bes! ‘Wag nang magpahuli sa trend at i-share na ang inyong #Hugot at i-confess mo na, bes ang matagal mo nang gustong aminin sa bagong column ng BULGAR na WHAT’S IN, KA-BULGAR? Ito na ang perfect timing para ma-publish ang laman ng inyong damdamin kaya mag-send na ng personal message sa aming official Facebook page – www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL. Hihintayin namin ang PM n’yo, mga bes, hindi ‘yung puro kayo na lang ang naghihintay sa wala. Char!





Comments