top of page
Kris Aquino C.H.I.K.A. - NETFLIX

Resbak ng mga Cong. kay Lacson: Walang siraan!

  • BRT
  • Sep 28, 2019
  • 2 min read

Maituturing umanong politikal na kampanya ang inilabas na mga walang basehang paratang ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson laban sa mga kongresista.

Ayon kay Deputy Speaker LRay Villafuerte, gusto lamang ng senador na sirain ang imahe ng Kamara sa publiko.

“Ang tunay na layunin niya ay pagandahin ang imahe ng Senado sa pamamagitan ng pagsira sa Kamara,” ani Villafuerte.

Noong una ay inakala umano ng mga kapwa niya mambabatas na isang hindi pagkakaintindihan lamang ang nangyari sa pagitan ni Lacson at ng Kamara.

Gayunman, lumalabas umano na isa itong matinding politikal na kampanya ng paninira o ‘political hatchet job’ laban sa Kamara bilang isang institusyon at sa mga miyembro nito.

Samantala, tiniyak naman ni Deputy Speaker for Internal Affairs Neptali Gonzales II na ang mga miyembro ng Kamara ay laging susunod sa mga sinasabi ni Speaker Alan Peter Cayetano na ang 2020 budget ay dapat na walang pork o parking ng pondo.

Ayon naman kay Anakalusugan Rep. Michael Defensor, wala siyang personal na hinanakit kay Lacson, subalit, kapag pinagpipilitan umano nitong may ‘pork’, inaatake na umano nito hindi lamang ang institusyon ng Kamara kundi ang 300 miyembro nito kung saan 100, o one-third ay mga bagong mambabatas.

Pinagtawanan naman ni Castro ang sinabi ni Lacson na may pork barrel sa 2020 budget dahil sumulat pa umano si Castro sa kanya para humingi ng tulong-pinansiyal para sa isang proyekto nito sa Capiz.

Aniya, hindi pork barrel ang isang letter request na hindi lang niya kay Lacson ipinadala kundi maging sa ibang senador.

Pinaalala ni Castro kay Lacson na si Senate President Vicente Sotto III mismo ang nagsabi sa isang TV interview na hindi pork barrel ang mga proyektong inirekomenda ng mga kongresista sa ilalim ng 2020 budget. (BRT)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page