Hirit ng DOH.. 56% tapyas sa presyo ng mga gamot

Aabot sa 120 gamot para sa iba’t ibang uri ng karamdamang dinaranas ng mga Pinoy ang inirekomendang matapyasan ng presyo ng Department of Health (DOH).
Ang pagpapataw ng maximum drug retail prices (MDRP) sa mga gamot ay irerekomenda ng DOH sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ilan sa gamot na matatapyasan ng presyo ay gamot sa hypertension, diabetes, cardiovascular disease (CVD), chronic lung diseases, neonatal diseases at major cancers.
Kabilang din sa listahan ang mahal na treatment para sa chronic renal disease, psoriasis at rheumatoid arthritis.
Sa ilalim ng maximum retail price scheme, tinatayang aabot sa 56% ang mababawas sa presyo ng mga gamot sa oras na lagdaan ng pangulo ang isang Executive Order para rito.
Ayon sa DOH napili ang mga gamot batay sa bigat ng karamdaman. Isinaalang-alang din ang limitadong kompetisyon at presyo ng mga gamot sa Pilipinas kapag kinumpara sa ibang bansa sa Southeast Asia at iba pang developing countries. Inamin ng DOH na 4 na beses pa ring mas mataas ang presyo ng generic drugs sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa. Nasa 22 beses namang mas mataas ang presyo ng branded na gamot sa Pilipinas, lalo sa mga pribadong ospital at botika, kumpara sa ibang bansa.





Comments