Gov’t. officials na nagpakulong kay De Lima, banned sa Tate

Inaprubahan ng United States Senate panel ang panukalang pagbabawal na makapasok ng Amerika ang mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas na sangkot sa pagkakakulong kay Senadora Leila de Lima.
Sa Twitter, inihayag ni U.S. Senator Richard Durbin na welcome siya sa pag-apruba ng Senate Appropriations Committee na amiyendahan ang panukala kasama si Senator Patrick Leahy sa Fiscal Year 2020 State and Foreign Operations Appropriations Bill.
Aniya, layon nitong pagbawalan ang mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas na mapatutunayang sangkot sa umano’y “politically motivated imprisonment” kay De Lima.
Iginiit pa nito na dapat nang palayain ang senadora.
Matatandaang, dati nang hinikayat ni Durbin ang pamahalaan ng Pilipinas na palayain na si De Lima sa pamamagitan ng inilabas na resolusyon kasama ang apat pang senador.
Samantala, kinastigo ng Malacañang ang ginawang pag-apruba ng U.S. Senate Committee sa panukalang ito. Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ang naturang hakbang ay tahasang pangingialam sa domestic legal processes ng bansa.
Aniya, ginigipit nito ang independent institutions na katumbas na rin ng pangingialam sa soberanya ng Pilipinas. Giit pa ni Panelo, ang ginawa ng U.S. Committee ay isang insulto sa kapasidad ng mga awtoridad sa Pilipinas.
Pambabastos din umano ito sa inaasam na law and order ng mga Pilipino at tila tinatrato ang Pilipinas bilang mas mababa at hindi kuwalipikadong rumesolba sa mga sariling isyu.
Gayunman, sinabi ng kalihim na walang gagawing kahit anong negatibong hakbang ang Pilipinas para mabawi ang hatol ng panel dahil inirerespeto umano ng bansa ang democratic processes sa Estados Unidos.
Muling iginiit ni Panelo na ang pagkakulong ni De Lima ay walang kinalaman sa pagiging kritiko nito kung saan dahil ito sa illegal drug related charges na kinakitaan ng probable cause base sa mga ipinrisintang ebidensiya.
Sumasailalim din ito sa due process at tinatamasa rin ng senadora ang karapatan na maipagtanggol ang kanyang sarili.





Comments