Final 4, naudlot pa sa Blazers at Stags

Pansamantalang naantala ang paglakbay ng College of Saint Benilde at San Sebastian College patungo sa Final Four ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) matapos nilang bumagsak sa magkahiwalay na kalaro Biyernes sa FilOil Flying V Centre. Ginulat ng season host Arellano University ang CSB, 75-69, habang binigo ng Emilio Aguinaldo College ang SSC, 79-75.
Pinamalas nina Kent Salado at Justin Arana ang kanilang husay sa ikatlong quarter kung saan lumayo ng tuluyan ang Chiefs, 57-47. Sinikap makahabol ng Blazers sa likod ni Justin Gutang subalit kinapos sila at nagdiwang ang Chiefs sa kanilang pang-apat na panalo at manatiling buhay para sa Final Four kung ipapanalo nila ang kanilang nalalabing apat na laro.
Nanguna si Salado para sa Chiefs na may 18 puntos at apat na assist. Nagtala ng 14 puntos si Raymart Angelo Sablan at sumunod si Arana na may 13 puntos at 10 rebounds.
Tiyak na aabangan ang mainit na salpukan ng walang talong defending champion San Beda University at ang kanilang matinding karibal Colegio de San Juan de Letran sa tampok na laro sa Martes simula 2:00 p.m. Gagawin ng Knights ang lahat para sa karangalan na maging unang koponan na babahid sa 14-0 ng Red Lions.





Comments