May mahigit P312 bilyon.. Manny Villar, pinakamayaman sa ‘Pinas

Tinanghal bilang pinakamayaman sa buong Pilipinas ang anim na anak ng business tycoon na si Henry Sy, Sr.
Ang nasabing SM Group founder ay sumakabilang-buhay nitong Enero sa edad na 94 at ipinamana nito ang mga kayamanan at ari-arian sa magkakapatid na Teresita, Elizabeth, Hans, Herbert, Harley at Henry, Jr.
Nakasaad sa Philippines’ 50 Richest ng Forbes magazine, hawak ng Sy siblings ang $17.2 billion o katumbas ng mahigit P886 billion.
Gayunman, si dating Sen. Manny Villar pa rin ang nangunguna kung individual wealth ang pag-uusapan kung saan mayroon siyang $6.6 billion o mahigit P312 billion.
Mas mataas ito kumpara sa kabuuang networth ni Villar nitong Mayo na $5.5 billion (P288 billon) na noon ay pang-317 naman na pinakamayaman sa buong mundo.
Samantala, nasa listahan din ang retail, telecoms and air transport tycoon na si John Gokongwei na mayroong $5.3 billion net worth, sunod ang ports magnate na si Enrique Razon ($5.1 billion) at Jaime Zobel de Ayala ng Ayala Group (3.7 billion).
Bahagyang malayo na ang sumunod sa listahan na $660 million sa katauhan ng Davao-based tycoon na si Dennis Uy, ang founder ng isang holdings company sa larangan ng langis, edukasyon, shipping, logistics, real estate at gaming.





Comments