Pondo ginamit sa kampanya.. Dating Mayor, asawa at 12 pa tinuluyan ng Ombudsman
- Vyne Reyes
- Sep 26, 2019
- 1 min read

Ipinagharap ng reklamong katiwalian sa Office of the Ombudsman ang mag-asawang dating Pasig City Mayor Robert Eusebio at Maribel kaugnay sa paggamit umano ng pondo ng gobyerno sa pangangampanya.
Inireklamo rin ng paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials ang mga konsehal na sina Rodrigo Asilo, Gregorio Rupisan, Jr., Rhichie Gerard Brown, Orlando Benito, Regino Balderama, Rosalio Martires, Ferdinand Avis, Wilfredo Sityar at Iyo Christian Bernardo.
Ganundin sina acting City Council Secretary Reynaldo San Buenaventura at Pamplona, Camarines Sur Mayor Augustus Caesar Cruz.
Batay sa reklamong inihain ng Tambuli ng Mamamayan ng Pasig, Inc., pumasok ang Pasig City sa isang sisterhood agreement sa Pamplona, Camarines Sur noong Mayo 2018 at ginawa umano ito dahil tatakbo si Maribel sa pagka-kongresista sa ikalawang distrito.
Pumirma umano si Eusebio ng disbursement voucher para sa P25 milyong donasyon sa siyudad sa Pamplona noong Agosto 22, 2018 at ang tseke ay iniabot umano ni Maribel.
Hindi umano malinaw ang dahilan sa pagbibigay ng Pasig ng donasyon at ang basehan ng pagpili sa Pamplona para makinabang dito.





Comments