top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

lung cancer, namamana at puwede ring makuha sa maruming hangin

Dr. Shane Ludovice, M.D.
Sep 26, 2019
2 min read

Dear Doc. Shane, Nagkaroon ng lung cancer ang tatay ko kahit hindi siya naninigarilyo. Ang masaklap, Stage 3 na nang malaman naming may cancer siya. Sa ngayon ay kini-chemo siya. Puwede palang magkaroon ng kanser sa baga kahit hindi naninigarilyo ang tao? — Andrei

Sagot Maituturing na numero-unong dahilan ng lung cancer o kanser sa baga ang paninigarilyo, partikular ang mga chain smokers, pero malaki rin ang tsansang magkaroon nito ang mga taong nakapaligid sa naninigarilyo o ‘yung tinatawag na passive smoking o second-hand smoking.

Bukod sa paninigarilyo, may iba pang itinuturing na sanhi ng pagkakaroon ng lung cancer:

• Asbestos. Kapag nalanghap ang maliliit na hibla nito at napunta sa baga ay maaaring makapagdulot ng lung cancer. Ito ay silica na materyal na ginagamit sa paggawa ng salamin. • Radon gas. Ito ay isang uri ng natural gas na nagmumula sa nalusaw na uranium. Ito ay radioactive at maaaring makapagdulot ng lung cancer. • Namamana. Tulad ng iba pang uri ng kanser, ang kanser sa baga ay maaari ring mamana. • Polusyon sa hangin. Maaari ring magkasakit ang taong nakalalanghap ng polusyon sa hangin tulad ng usok ng mga sasakyan at pabrika. • Iba pang sakit sa baga. Ang baga na pinahina ng iba pang sakit tulad ng chronic obstructive pulmonary disease (COPD) at tuberculosis (TB).

Ang malalang kaso ng lung cancer ay may mga sumusunod na sintomas:

• Pabalik-balik na ubo na minsan ay may kasamang dugo. • Pagkakaroon ng iba pang sakit sa baga tulad ng bronchitis at pulmonya. • Hirap sa paghinga at paninikip ng dibdib. • Pamamaga ng leeg at mukha. • Pananakit ng balikat at mga kamay. • Madaling mapagod at panghihina ng katawan. • Kawalan ng gana sa pagkain at mabilis na pangangayayat.

Kapag nasuri agad ang kanser sa simulang antas pa lamang (Stage I o II), maaaring tanggalin ang tumubong tumor sa pamamagitan ng operasyon o surgery.

Chemotherapy ang karaniwang isinasagawa sa malalang kaso. Ito ay maaaring iniinom o itinuturok. Gayunman, kadalasan ay may masasamang epekto sa katawan ang pagpapasailalim sa chemotherapy. Maaari itong magdulot ng pagsusuka at pagkalagas ng buhok.

Puwede ring isailalim sa radiotherapy ang pasyenteng may lung cancer. Layunin nitong paliitin ang mga namuong tumor at pigilan ang pagkalat nito sa katawan.

Narito ang iba pang gamot sa lung cancer: • Targeted Therapy • Photodynamic Therapy • Electrocautery • Cryosurgery

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page