Listahan ng mga pulis na sangkot sa ‘Agaw-Bato’, tiyaking hindi sablay
A mga susunod na araw, magkakaalaman na kung sinu-sino ang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na itinuturong mga utak ng ‘Agaw-Bato’ modus.
Dapat lang na mabulgar ang mga ito dahil karapatan ng taumbayan na malaman ang mga opisyal na nagpapakalat ng mga nakukumpiskang droga.
Kasabay nito ang alok ng gobyerno na pabuya para sa mga mapapatay o mahuhuling ‘ninja cops’.
Patunay ito na tila pinaglalaruan at pinagtatawanan lang ang giyera ng gobyerno kontra droga.
Saan tayo makakakita na ang tagapagpatupad ng batas ay sila palang unang lumalabag? Tipong huli now, ‘laya for sale’ later. Literal na inire-recycle ang mga nasasamsam na droga para magkapera.
Kung mismong mga opisyal ang sangkot sa ganitong kalakaran, imposibleng matapos ang problema sa droga. Hindi kailanman mawawala ang mga adik at tulak.
Pinaiikot lang nila ang sistema at patuloy na mamamayagpag ang krimen. Kaya napakalaking hamon sa administrasyon na linisin ang bansa mula sa mga ilegal na gawain dahil nasa bakuran mismo ang mga anay na sumisira.
Sana lang, ang ilalabas na listahan ay kumpleto at hindi sablay. Higit sa lahat, listahan na maghahatid sa mga tiwaling opisyal sa dapat nilang kalagyan.





Comments