Kasabwat ng mga ninja cops.. 'Drug Queen', pinangalanan na

“Ituro ninyo sa akin kung nasaan ang shabu queen na si Guia Gomez Castro at papatayin ko.”
Ito ang banta ni Manila Police District Director PBGen. Vicente Danao, Jr. matapos nitong pangalan ang shabu drug queen na sangkot sa pagre-recycle ng mga nahuhuling droga ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na tinaguriang ninja cops.
Sa panayam kay Danao, kinumpirma niya na wala sa Maynila si Castro at hindi naman siya puwedeng mag-operate sa ibang distrito.
“Eh, kung ‘andito lang ‘yan sa Maynila, matagal na ‘yan, alam n’yo ba ‘yan ang una kong tinarget nang maupo ako dito sa MPD, pero noong umupo si Pangulong Rodrigo Duterte umalis na ‘yan dito sa Maynila,” ani Danao.
Sinabi rin ni Danao na si Castro ay pinoprotektahan ng mga ninja cop at iba pang matataas na opisyal na may kinalaman sa pagpapakalat ng iligal na droga.
Bukod dito, sinabi ni Danao na maging ang kanyang mister na si Dennis Castro, dating barangay official ay sangkot din sa pagre-recycle ng shabu.
Naniniwala si Danao na nasa Pilipinas lang si Guia at palipat-lipat ng lugar para hindi siya madampot.
Ayon naman sa ibang impormasyon, nasa Amerika na umano si Guia at doon nagtatago.
Samantala, umapela si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa mga kaanak ni Castro na isuko na ito sa mga awtoridad.
Hinimok din nito si Castro na lumantad at magpaliwanag laban sa mga alegasyon sa kanya.
Nabatid na si Castro ay chairman ng Bgy. 484 Zone 48 ay nag-leave noong Abril 25 hanggang Hunyo 25, 2019 pero, tuluyan nang hindi bumalik.Base sa nakuhang impormasyon sa Bureau of Immigration (BI), si Castro ay dumating sa Maynila noong Setyembre 18, 2019 galing sa Vancouver, Canada.
Habang noong Setyembre 21 ay umalis siya sa Maynila papuntang Bangkok.





Comments