top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

"No Coding Scheme" sa Kyusi, inihihirit na solusyon sa trapik

  • Grace Poe
  • Sep 25, 2019
  • 3 min read

Kumusta, mga bes?

Alam nating sumasakit ang ulo ng karamihan dahil sa buhul-buhol na trapik na sinusuong natin sa araw-araw na pagpunta sa opisina o trabaho pati na rin sa eskuwela.

Napeperhuwisyo rin ang ilang may transaksiyon sa mga ahensiya ng gobyerno o pribadong opisina, pumupunta ng ospital o maging ‘yung mga gumigimik.

Isa pa sa mga dagdag-pasakit sa mga komyuter at motorista kapag may baha.

Ang Senate Committee on Public Services na ating pinamumunuan ay nagsagawa kamakailan ng Technical Working Group (TWG) para pag-usapan ang iba’t ibang panukala para maibsan ang problema sa trapiko sa Metro Manila at katabing probinsiya.

Isa na rito ang pagpapalabas ng karagdagang bus sa Commonwealth Ave. para sa mga stranded na pasahero tuwing rush hour, ayon kina Quezon City Traffic Czar Ariel Inton at Engineer Emilio Llavor ng Road Safety Unit ng Metro Manila Development Authority (MMDA).

Nakatakda ring magpasa ng kaukulang ordinansa ang Quezon City Council para ma-exempt ang lungsod sa coding scheme ng MMDA.

Ang mga bus na nabanggit ay ide-deploy sa Soliven sa Old Balara at Doña Carmen, Commonwealth area tuwing rush hour.

Tinatayang 5,000 pasahero ang makikinabang sa sistemang ito dahil sa kasalukuyan, malayo ang iniikutan ng mga bus bago makarating ng Commonwealth kaya naiipon ang mga pasahero.

Pabor ang MMDA sa plano ng Quezon City na magsagawa ng “dry run” anumang oras dahil ayon dito, ang usapin sa trapiko ay hindi na kinakailangan pa ng pahintulot ng council.

Nangako ang MMDA na tatalakayin sa susunod nilang council meeting ang panukalang i-lift ang coding schemes sa pampublikong sasakyan sa mga siyudad sa Metro Manila sa mga piling oras (maaaring alas-5:00 ng madaling-araw hanggang alas-9:00 ng umaga).

Samantala, sinabi ng MMDA na hindi ito direktang makikinabang sa anumang emergency powers na ipagkakaloob sa Traffic Czar o sa Secretary of Transportation dahil isa lamang itong coordinating body.

Subalit, sinabi ni Engr. Llavor na may ilang proyekto ang MMDA na kakailanganin pa rin ng emergency powers para makapagsagawa ng pangmatagalang solusyon sa trapiko.

Ang mga solusyong ito na nakapaloob sa short (1-3 taon), medium (3-6 taon) at long-term projects ay nakatakdang isumite ng MMDA sa komite para masusing pag-aralan.

Napag-alaman ng komite na mayroon nang nabuong inter-agency body para harapin ang mga problema sa trapiko at transportasyon.

Ito ang Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) na kinabibilangan ng DOTr, MMDA, HPG, LTO, LTFRB, AFP at mga LGUs sa pamamagitan ng Metro Manila Council at Liga ng mga Barangay.

Ang I-ACT ang tumatayong standing coordinating committee na binuo noon pang September 2016 na naglalayong mapabuti ang sitwasyon sa trapiko hindi lamang sa Metro Manila kundi pati sa karatig-probinsiya tulad ng Rizal, Bulacan, Cavite at Laguna. Naisasagawa ng I-ACT ang itinakdang tungkulin nito kahit wala ang hinihiling na emergency powers.

Samantala, nais naming linawin, hindi kami hadlang sa pagbibigay ng emergency powers. In fact, hindi lang sa amin nakasalalay ang pagkakaloob nito. Isang boto lang kami kung sakaling kailangan nang pagbotohan ang panukalang ito sa Senado.

Buo ang suporta natin sa anumang panukala para lutasin ang suliranin sa trapiko. Lahat tayo ay biktima nito. Pabor kami sa emergency powers kung masisiguro nilang may kongkreto silang plano para maisaayos ang trapiko. Sa usapin ng pagkakaloob sa DOTr ng isang bagay na napakabigat tulad ng emergency powers, kailangan nating maging “sniper accurate”. Hindi puwede ang “shotgun approach”.

Para itong pagbibigay ng “loaded gun” sa bata kung walang plano ang DOTr tungkol dito. Mas maayos sana ang sitwasyon sa trapiko ngayon kung nagkaroon sila ng traffic plan noon at naisagawa nila agad ang mga proyektong ito.

Marami nang batas para tugunan ang mga legal na usapin upang solusyunan ang problema sa trapiko, tulad ng procurement at right-of-way. Isa na rito ang Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act na nagpapahintulot ng alternatibong pamamaraan ng procurement.

Babalitaan namin kayo tungkol sa kasunod na mga TWGs. Patuloy tayong magtulungan para bigyang-ginhawa ang mga mananakay at pati na rin ang mga motorista.

Hanggang sa muli, mga bes!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page