Kasunod ng pagkamatay ng kadete sa hazing.. Head ng PMA, nag-resign
- Jeff Tumbado
- Sep 25, 2019
- 2 min read

Dahil sa iskandalo na bumalot sa Philippine Military Academy (PMA) kaugnay sa pagkamatay sa hazing ng kanilang kadete na si 4th Class Cadet Darwin Dormitorio, tuluyan nang nag-resign sa puwesto ang dalawang pinuno ng naturang akademya.
Kahapon nang mag-anunsiyo si PMA Superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista na nakahanda siyang magbitiw sa puwesto at una nang naghain ng kanyang resignation letter kay outgoing Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Benjamin Madrigal, Jr. na mabilis namang tinanggap ang kahilingan.
Kasabay din na nagbitiw sa kanyang posisyon si Brig. General Bartolome Vicente Bacarro bilang Commandant of the Corps of Cadets.
Sa hiwalay na pahayag mula kay Bacarro, sinabi nitong boluntaryo ang kanyang pagbaba sa puwesto dahil na rin sa command responsibility.
Samantala, pinangalanan na rin ng PMA ang tatlong pangunahing kadete na sangkot sa pagpapahirap at pambubugbog sa pamamagitan ng hazing na dahilan ng pagkamatay ni Dormitorio noong September 18, 2019.
Ito ay sina 3rd Class Cadets Shalimar Imperial, Felix Lambag at Cadet 1st Class Axl Ray Sanupco, na pawang sinampahan na ng kasong kriminal kahapon sa Baguio City Prosecutors’ Office.
Sa pagbubunyag ni Bacarro, pinilit umano ni Sanupco sina Imperial at Lambag na saktan ang plebong si Dormitorio, batay na rin sa kanilang official investigation report.
Samantala, ang squad leader na si Cadet 2nd Class Nickoel Tamil ay isinama na rin sa pagkakasangkot sa hazing dahil sa command responsibility.
Sinuspinde rin sa kani-kanilang mga klase sina Cadet 1st Class Irvin Sayud (platoon leader), Cadet 1st Class Elbert Lucas (commanding officer), Cadet 1st Class Christian Correa (floor inspector) at ang kanilang tactical group commanders na sina Major Rex Bolo at Captain Jeffrey Batistiana.
Sinuspinde na rin ang commanding officer ng station hospital ng PMA na si Col. Cesar Candelaria at ang attending physician nito na si Captain Flor Apostol, ang doktor na siyang tumingin kay Dormitorio bago ito namatay.
Ito umano ang kauna-unahang pagkakataon na may dalawang pinuno ng PMA ang magkasabay na bumaba sa puwesto at pag-relived na rin sa mga sangkot sa iskandalo ng hazing sa kasaysayan ng akademya.





Comments