top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Comia ng New Era, binahiran ang unbeaten enderun sa NAASCU

A. Servinio
Sep 25, 2019
2 min read

Binuhat ni Jeff Comia ang New Era University sa malaking panalo kontra sa walang talong Enderun Colleges, 46-42, sa pagpapatuloy ng 19th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) sa Marikina Sports Center noong Lunes. Pinalamang ng tres ni Comia ang Hunters na may 25 segundo sa orasan, 44-42 at nagpamalas sila ng tibay ng loob upang maitala ang kanilang ikalawang panalo sa apat na laro at bahiran ang kartada ng Titans matapos buksan ang taon na may tatlong sunod na panalo.

Pinalpal ni Adzar Udjan ang tira ni Mark Joseph Nuñez at dinampot ni Comia ang bola sabay kuha ng foul kay Austin Veloso. Ang unang free throw lang ang pinasok ni Comia subalit nakuha pa rin niya ang offensive rebound at isa pang foul galing kay Veloso para sa free throw na tumakda sa huling talaan.

Nagtapos si Comia na may 13 puntos at siyam na rebounds. Sinundan siya ni John Akindele na may 9 na puntos at 11 rebounds. Bumuhos ng 12 walang sagot na puntos ang Philippine Christian University sa 4th quarter upang iligpit ang Holy Angel University, 57-47. Lamang ang HAU papasok sa huling anim na minuto, 40-35, subalit nagsanib puwersa sina Mark Edison Ordonez, Jexter Tolentino at Christopher Okoronkwo upang palamangin ang Dolphins, 47-40 at hindi na nila binitawan ito sa nalalabing 3 minuto salamat sa mga puntos nina Tolentino at Carlo Eusebio. Parehong nag-ambag ng tig-17 puntos sina Tolentino at Ordonez. Pumitas din ng 15 rebounds si Tolentino habang may 9 na puntos at 17 rebounds si Okoronkwo.

Sa ibang laro, binuksan ng defending champion St.Clare College ang araw sa pamamagitan ng 89-51 na tagumpay sa walang panalong City University of Pasay sa likod ng 32 puntos ni Rojay Santos galing sa walong tres para sa ika-apat na sunod na panalo at manguna sa Grupo A. Nagtrabaho ng husto ang St. Francis of Assisi College bago manaig sa TUP, 60-55, upang manatili sa pangalawang pwesto sa parehong grupo na may kartadang 4-1.

Babalik ang aksyon ng 19th NAASCU ngayong Miyerkoles para sa apat na laro sa PCU Gym sa Taft Avenue. Sasalubungin ng Dolphins ang mga bisita galing DLSU sa unang laro ng 8:00 a.m.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page