top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Cayetano, humirit ng P1.6 bilyong budget para makakuha ng kakampi at iwas-kudeta sa Kongreso

  • Bobi Tiglao
  • Sep 25, 2019
  • 3 min read

“Buwaya”, ‘yan ang matagal nang tawag ng taumbayan sa mga kongresista na ganid sa pera.

Kilala ang ilang kongresista na korup, tamad um-attend sa mga sesyon na papasok lang kapag suweldo at panay kamag-anak ang gina­gawang “staff” kuno sa kanilang opisina.

Pero noong panahon nina Speaker Panta­leon Alvarez at Speaker Gloria Macapagal Arroyo, hindi na ginamit ang mga patutsadang ito.

Maraming naipasang batas ang dalawa sa maikling panahon na naging Speaker sila. Ma­hahalagang batas ang mga ito na sumusuporta sa mga programa at polisiya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero ngayong 18th Congress, tila nag-iba ang ihip ng hangin sa pamumuno ni Speaker Alan Peter Cayetano. Umpisa pa lang ay may iskandalo na. Pinuputakti ngayon sa social media ang pamomolitika umano ni Speaker Cayetano sa halip na gawin ang trabaho na magpasa ng batas.

Lumabas ang mga ulat (sa diyaryo at tele­bisyon, hindi lang sa mga blog) na humihingi ang House of Representatives ng dagdag P1.6 bilyong badyet.

Ang nakalaan na badyet sa Kongreso sa ilalim ng 2020 National Expenditure Program (NEP) ay P14 bilyon. Pero kulang daw ito, ayon sa bagong liderato.

Anong nangyari, binagyo ba ang gusali ng Batasang Pambansa at kailangang ayusin? Nag-strike ba ang mga empleyado at humihingi ng mas mataas na suweldo?

Ang simpleng rason ay dinagdagan ng Kon­greso ang bilang ng Deputy House Spea­kers (DHS) nito na mula sa 14 ay 22 na ngayon.

Nadagdagan ang mga buwaya sa puwesto, marami na namang makikinabang sa kaban ng bayan. Bakit noong panahon nina dating Speaker Alvarez at dating Speaker Arroyo, nakapagpasa ng maaasahang mga batas nang hindi dina­ragdagan ang DHS na may papel lang naman kapag absent ang Speaker, bakit sila kailangang dagdagan?

Ayon kay Rep. Abraham Tolentino, chair ng House Accounts Committee, hindi nila akalaing magkakaroon ng karagdagang deputy, vice-chair sa komite ng appropriations at ways and means at hindi rin daw nila inakalang magkakaroon ng mga bagong komite.

Bawat bagong puwesto, titulo at komite ay bagong gastusin para sa gobyerno.

Bawat deputy Speaker ay may dagdag-allowance at staff. Bawat hepe at miyembro ng komite ay mayroon ding dagdag-allowance at staff. Iba pa ito sa regular nilang suweldo at allowance na umaabot sa milyones kada taon.

Huwag tayong magtaka kung bakit gus­tung-gusto ng mga kongresista ng mga dagdag-posisyon na ito. Dahil ang pondo ng gobyerno ay galing sa buwis ng taumbayan, tayo ang nag­papasuweldo sa mga “buwaya” sa Kon­greso.

Kailangan ba ang mga bagong posisyon at komite para umunlad ang bayan? Hindi!

Maraming mas dapat paglaanan ang P1.6 bilyon tulad ng dagdag-suweldo ng mga guro, karagdagang klasrum sa mga pampublikong pa­aralan at iba pang serbisyo para sa mga mahi­hirap.

Malinaw kung bakit pinadagdagan ni Spea­ker Cayetano ang bilang ng DHS. Ito ay pa­mamaraan para mabili niya ang loyalty ng mga kongresista lalo na ang mga nagbabalak na ikudeta siya.

Si Speaker Cayetano ay ang isa sa mga maingay kapag may pagdinig tungkol sa ko­rupsiyon. Kung makapagsalita siya, akala mo napakalinis niya. Malinis nga ba o sadyang ipokrito lang?

Anong tawag sa pinadaragdagan niyang badyet ng Kongreso para lamang dumami ang DHS kahit hindi naman kailangan?

Sinabi pa nitong ‘fake news’ lang daw na gagamitin ang P1.6 bilyon para sa kanyang mga DHS. Pero ang hepe mismo ng House Accounts Committee ang nagsabing ito ang dahilan kaya humihingi sila ng mas malaking badyet.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page