3 Pulis in-ambush

Tatlong pulis kabilang ang isang senior official na nakatakda sanang magprograma sa isang lokal na radio network station ang sugatan makaraang tambangan ng armadong grupo sa Socorro sa Oriental Mindoro, kamakalawa.
Nasa ligtas nang kalagayan si Pinamalayan Municipal Police Station Deputy Commander Chief Master Sergeant Ivan Fortus at kanyang dalawang tauhan na sina Senior Master Sergeant Irene Lazo at Corporal Ivy Carmona.
Ayon kay Police Lt. Col. Socrates Fataldo, lulan sa kanilang police mobile patrol ang mga biktima nang ratratin ng hindi pa mabatid na bilang ng armadong kalalakihan sa bahagi ng Bgy. Pasi Dos, pasado alas-7:00 ng umaga.
Bago ang pananambang, isang malakas na pagsabog muna ang umalingawngaw sa dinaraanan ng patrol car na ayon sa mga testigo ay isang granada na ibinato ng mga suspek.
Sa kabila ng tiyak na kamatayan ay nagawang maiwasan at tuluyang makalayo ang mga biktima sa ambush site.
Sinasabing kasama ng mga pulis ang isang barangay captain sa police patrol car nang mangyari ang insidente.
Hinihinalang mga kasapi ng New People’s Army (NPA) ang nagsagawa ng ambush habang patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.





Comments