Pagtapyas sa budget ng edukasyon, malaking kawalan sa mga iskul at estudyante
- Kuya Win Gatchalian
- Sep 24, 2019
- 2 min read

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, regular tayong dumadalo sa iba’t ibang pagdinig kabilang na ang hearing ng Senate Committee on Finance tungkol sa 2020 National Budget ng Department of Education (DepEd), kamakailan.
Isa sa aming tinalakay ay ang pangangailangang maghanap ng iba pang paraan upang maipagawa ang mga gusaling pampaaralan dahil hindi na tugma ang kasalukuyang bilang ng mga klasrum sa tumataas na bilang ng ating mga mag-aaral sa buong bansa.
Dahil dito, lubos nating hinihikayat ang pamahalaan na humanap ng iba pang pamamaraan sa pagpapatayo ng mga klasrum at school building upang makaiwas sa anumang pagkaantala.
Kailangan nating pagtuunan ng pansin ang kinahaharap na pagsubok na ito sa edukasyon dahil hindi maikakaila ang labis na epekto nito sa pag-aaral ng mga kabataan.
Kaya naman, dapat balikan ng Department of Budget and Management (DBM) ang kompyutasyon ng budget para sa classroom requirements.
Base sa datos mula sa DepEd, mula noong Disyembre 2018, 11 klasrum lamang ang natapos sa binagong 28,180 bilang nito na kanilang target noong 2018.
Ang karagdagang 2,474 na klasrum ay sumasailalim pa rin sa konstruksiyon, habang 8,749 ay nasa proseso at hindi pa nagsisimula.
Maaari ring makipagtulungan ang pamahalaan at pribadong sektor sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP) upang mapabilis ang pagpapatayo ng mga klasrum at gusali.
Maaari rin namang ang mga school division na mismo ang magpatayo ng mga gusali sa halip na ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bukod dito, dahil sa mabagal na pagpapaayos ng mga klasrum, ang aktuwal na bilang ng mga mag-aaral na naka-enroll sa mga paaralang multigrade, Special Education (SPED), Arabic Language Islamic Values Education (ALIVE), Indigenous Peoples Education (IPED) at Alternative Learning System (ALS) noong 2018 ay mas mababa kaysa sa target ng DepEd.
Base pa sa datos mula sa 2020 National Expenditure Program, noong 2018 ay mayroong 285,548 aktuwal na mag-aaral ang naka-enroll sa publikong multigrade schools kumpara sa 425,293 target ng DepEd.
Sa mga publiko at pribadong SPED school, 236,607 enrollees sa 259,573 na target; sa public ALIVE schools ay 163,510 sa 364,007 na target at sa public IPED schools ay mayroong 90,100 sa 94,035 na target; habang 818,049 enrollees sa 823,013 na target sa ALS.
Ito ang dahilan kaya natin lubos na hinihimok ang DBM na balikan nito ang kompyutasyon ng classroom targets para sa 2020. Tulad ng ating inilahad sa nasabing pagdinig, labis na mababa ang 8,000 target na bilang ng itatayong mga klasrum dahil sa nakadidismayang bilang ng mga natapos na konstruksiyon sa mga nagdaang taon.
Upang makasabay sa mga pangangailangan ng sistema ng edukasyon ng ating bansa, kailangan nating ayusin ang mga hadlang sa pagkakamit ng tagumpay sa bawat sulok ng klasrum at paaralan saanmang panig ng bansa.
Alang-alang sa kapakanan ng mga mag-aaral, inaasahan natin ang progreso sa adhikaing ito sa lalong madaling panahon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments