Nagpanggap na DILG official at mga taga-media, peryahan dinale.. Lola, 6 pa kulong sa extortion
- Jeff Tumbado
- Sep 24, 2019
- 2 min read

Arestado ang 61-anyos na lola na nagpakilalang opisyal ng Department of Interior and Local Government (DILG) at anim na pawang mga nagpakilalang kasapi ng media sa isinagawang entrapment operation sa Orani, Bataan, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Cynthia Gabinay at mga kasamahang sina Benny Billones, Myrna Gomez, Raldy Abano, Reynaldo Gomez, Dolores Morado Quides at isang menor-de-edad, pawang mga residente ng Antipolo City, Rizal.
Ayon kay Police Major Leovaldo Bacon, una umanong nagtungo si Gabinay at grupo nito sa kapitan ng Bgy. Mulawin na si Marvin dela Cruz habang suot ang jacket na may logo ng DILG at nagpakilalang opisyal ng naturang ahensiya para kuwestiyunin ang isang peryahan na nakatayo sa nasabing lugar.
Gayunman, sa pagdududa ni Dela Cruz sa grupo ni Gabinay ay hiningan nito ng ID ang mga suspek at nang walang maipakitang anumang dokumento ay agad itong ipinadakip sa entrapment operation.
Sa kuha ng video ay naaktuhan ng mga awtoridad ang pagtanggap ng marked money ng grupo ni Gabinay kung saan agad silang dinakip.
Napag-alaman sa report na nakapangikil na ng P300 bawat isa ang grupo ni Gabinay mula sa operator ng peryahan na si Noemi Guanzon.
“Palagi ‘yan nagpupunta sa amin marami sila halos araw-araw, minsan nga kahit umuulan at nagsara na kami at walang kita kakatukin pa rin kami ng mga iyan. Hindi sila umaalis hangga’t hindi nabibigyan ng pera,” galit na pahayag ni Guanzon sa presinto.
Giit ni Guanzon, wala umano silang ilegal na pasugalan tulad ng sinasabi ni Gabinay at pawang rides lamang at kung ano pang parlor games ang nasa paligid ng kanyang peryahan.
Itinanggi naman ni Gabinay at grupo nito ang alegasyon subalit, nang kapkapan ang mga gamit ng mga ito ay dito nadiskubre ang iba’t ibang identification cards tulad ng DILG at media ng hindi mabatid na tabloid newspapers.
Nakapiit na sa Orani Municipal police detention cell ang grupo ni Gabinay at nahaharap sa kasong extortion at usurpation of authority.





Comments