Kadete patay sa hazing.. 2 opisyal ng PMA, sibak

Pormal nang sinampahan ng kasong “homicide” sa Baguio City Prosecutor’s Office ang tatlong kadete na sangkot sa hazing kay Cadet 4th Class Darwin Dormitorio na dahilan ng pagkasawi ito, kahapon.
Kasabay nito ang pagkakasibak sa pamunuan ng Philippine Military Academy (PMA) sa ilan nilang opisyal na may direktang pagkakasangkot sa hazing kay Dormitorio.
Sa pinagsamang pahayag ng PMA at Baguio City Police Office (BCPO), dalawa sa mga opisyal ng PMA ang na-relieved sa kanilang mga tungkulin na sinasabing kabilang sa pagpayag ng mga ito sa ginawang hazing kay Dormitorio ng kanyang higher classmen na dahilan ng kanyang pagkasawi.
“Yes, the senior tactical officer and the tactical officer of Cadet Fourth Class Dormitorio, na-relieved na po sila, they are the ground commanders sa company level... sila ‘yung na-relieved for us to have a better or impartial investigation po,” pahayag ni Major Ray Afan, tagapagsalita ng PMA.
Nasawi ang 20-anyos na kadete nitong Miyerkules ng gabi matapos ang hazing sa kanya. Iniinda ni Dormitorio ang sobrang pananakit ng tiyan na pinuruhan ng kanyang higher classmen.
Nabatid pa kay Afan na may siyam na kadete ang ikinukonsidera nilang mga testigo sa nabanggit na insidente.
Samantala, kaugnay pa rin ng hazing ay ibinunyag mismo ni outgoing Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Benjamin Madrigal, Jr. na may dalawa pang 4th class cadets ng PMA ang naospital.
Ang isa umano sa kanila ay dinala sa military hospital nitong September 17 habang ang isa naman ay naitakbo noong September 12 matapos silang sumailalim sa hazing.
Ipinag-utos na rin ni Madrigal sa PMA ang pagsibak sa kanila at mailagay sa holding center habang kasalukuyan pa silang iniimbestigahan.





Comments