top of page

2 patay, 1 sugatan.. Sogo Hotel gumuho

  • Mylene Alfonso
  • Sep 24, 2019
  • 1 min read

Dalawang construction workers ang patay habang isa ang sugatan nang maguhuan ng gusali ng isang hotel na kanilang dine-demolish sa Malate, Manila, kahapon ng umaga.

Kinumpirma ni Manila Mayor Isko Moreno na kapwa patay na ang dalawang construction workers na na-trap sa gumuhong gusali ng dine-demolish na Sogo Hotel na sina Jason Fabello at Melo Ison.

Bandang alas-3:00 ng hapon nang marekober ang bangkay ni Melo Ison habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy pang nagsasagawa ng retrieval operation ang mga awtoridad para makuha ang bangkay ni Fabello.

Nahihirapan ang mga awtoridad na makuha ito dahil nadaganan umano ng buong bigat ng gusali.

Samantala, dinala naman sa Ospital ng Maynila upang malunasan ang biktimang si Edson Ison, na nasugatan matapos mabagsakan ng mga gumuhong debris.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD) na pinamumunuan ni P/BGen. Vicente Danao, Jr., alas-9:15 ng umaga nang maganap ang insidente sa gusali ng hotel, na matatagpuan sa Mabini Street, Malate.

Matagal na umanong dine-demolish ng may 22 construction workers ang naturang limang palapag na gusali ngunit, habang nagtatrabaho sila kahapon ay bigla na lang itong gumuho at minalas na maguhuan ang tatlo sa kanila.

Pinaiimbestigahan na ni Mayor Moreno ang insidente kay City Engineer Armand Andres upang matukoy ang naging dahilan ng pagguho at kung sino ang dapat managot dito.

Nabatid na kumpleto naman ng kaukulang permits ang naturang demolition, na nagsimula noon pa umanong Agosto 2, 2019.

Ang gusali ay dati umanong Empire Hotel na itinayo pa noong 1965 at ginigiba ito upang tayuan sana ng mas mataas pang gusali ng Sogo Hotel.

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page