Utos sa DOH.. Bilibid, bigyan ng dialysis machines

Inatasan ang pamunuan ng Department of Health (DOH) na bigyan ng gamot at padalhan ng dialysis machines ang mga matatanda at may sakit na preso sa New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Sen. ‘Bong’ Go, chairman ng Senate Committee on Health, kalunus-lunos ang kalagayan ng mga bilanggo na tunay na may karamdaman na walang pampagamot dahil sa kahirapan.
Kinausap ng mambabatas si DOH Sec. Francisco Duque II at nangako naman ang kalihim na magpapadala agad ng mga gamot sa naturang bilangguan kabilang na ang mga maintenance medicine at dialysis machine para sa mga matatanda at may sakit na inmate.
“Sila ang mga dapat at tunay na nasa ospital para magamot at hindi ‘yung mga high profile inmate at mga drug lords ang binibigyan ng hospital leave para lang makalabas ng kulungan at magpasarap doon,” pahayag pa ng senador.
Maging si Justice Sec. Menardo Guevarra ay kinausap para bilisan ang pag-review sa pagbibigay ng parole sa matatandang bilanggo na ang iba sa kanila ay natapos na ang kanilang sentensiya.





Comments