Hina-hunting at naging matapang, sign na duwag sa totoong buhay

Salaminin natin ang panaginip ni Sophia ng Sophia_Clarizze@facebook.com.
Dear Professor,
Tatlong beses na akong nanaginip ng iisang lugar, gayundin, tatlong beses ko nang napanaginipan na may humahanap daw sa amin ng mga kakilala ko at tatlo kami.
Sinecure ko na raw ang pamilya ko sa panaginip ko, tapos, ako na lang ‘yung naghahanap sa mga kalaban, tapos, iniligaw naming tatlo ‘yung mga naghahanap sa amin. May mga pinakisuyuan ako na kung maaari, tumuloy ako sa kanila. Tapos, nag-iba ang ruta namin.
Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Sophia
Sa iyo, Sophia,
Sa ngayon, masasabing duwag kang harapin ang buhay dahil pinanghihinaan ka ng loob na labanan ang mga hamon ng iyong kapalaran. Ito ang nakikitang reyalidad sa buhay mo. At sa kabila nito, makikitang tumapang ka sa mga panaginip.
Alam mo, may katotohanan sa sinasabi na ang panaginip ay kabaligtaran ng nangyayari sa totoong buhay. Kumbaga sa panaginip, matapang pero ang totoo ay duwag ka. Dahil dito, ikaw ay pinapayuhan na hugutin mo ang lahat ng lakas ng loob mo nang sa gayun ay maging matapang ka.
Ang buhay sa mundo ay maituturing na pakikipagsapalaran kung saan nangangahulugan ito ng pakikipaglaban. Kaya ang mga ayaw makipagsapalaran ay walang maaasahan at ang ayaw makipaglaban ay mapabibilang sa hanay ng mga talunan.
Bakit ka papayag na mapabilang sa mga talo na kung ayon sa iyong panaginip ay may likas na tapang ka? Bakit mo hahayaang matulog lang ang tapang mo? Bakit ka iiwas kung puwede ka namang manalo?
Ilabas mo ang tapang mo at hindi ka bibiguin ng iyong panaginip na nagsasabing kapag hinaharap ang mga hamon ng kapalaran, ikaw ay magtatagumpay at hahangaan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments