2 bumbay nangholdap, tiklo

Kulong ang dalawang Indian nationals matapos ireklamo ng panghoholdap at pananakit sa kanilang dalawang kababayan sa magkahiwalay na insidente sa Caloocan City.
Kinilala ang mga nadakip na sina Harjot Singh, 21, at Gurwinder Singh, 24, habang pinaghahanap pa ang kanilang dalawang kasabwat na kapwa Indians.
Sa ulat kay Caloocan Police Chief P/Col. Noel Flores, alas-11:30 ng umaga, sakay sa kanyang motorsiklo si Manjot Singh, 27, ng Fairview, Quezon City nang harangin siya ng mga suspek na sakay ng dalawang motor at kapwa armado ng baton sword at steel baton sa Old Zabarte Road, Bgy. 175, Caloocan City.
Tumakbo ang biktima patungo sa Caloocan Police North Extension Office saka humingi ng tulong na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek at narekober ang kanilang mga armas habang nakatakas ang kanilang dalawang kasabwat.
Ani Caloocan Police Deputy Chief for Administration PLt. Col. Ferdie del Rosario, dumating sa himpilan ng pulisya ang isa pang biktima na si Jadeeg Singh, 27, at personal na kinalala ang dalawang nadakip na nangholdap at pumalo sa kanyang ulo gamit ang baton bago sapilitang kinuha ang kanyang P25,000 sa Bgy. 176, Bagong Silang alas-10:00 ng umaga.





Comments