Sanhi pagkalat ng iba’t ibang sakit.. Milyun-milyong tahanan, walang CR

Isa ang kawalan ng maayos na palikuran sa milyun-milyong tahanan sa bansa ang itinuturong dahilan ng Department of Health (DOH) sa pagkalat ng iba’t ibang sakit, gaya ng polio.
Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo, aabot sa 3.5 milyong tahanan ang nangangailangan ng malinis na kubeta sa bansa at malaking porsiyento nito ay mula sa National Capital Region (NCR).
Paliwanag ni Domingo, malaking problema ang open defecation dahil nagiging sanhi ito ng karamdaman.
Isa aniya sa mga sakit na maaaring maikalat sa pamamagitan ng dumi ay ang polio.
Sa ngayon aniya ay inaalam na ng DOH kung paano masosolusyunan ang naturang problema.
Una nang kinumpirma ng DOH na muling nagbabalik ang sakit na polio sa bansa, makalipas ang 19 taong pagiging polio-free ng Pilipinas.
Ang unang kaso ay ang 3-anyos na batang babae mula sa Lanao del Sur at ang ikalawa ay ang 5 taong gulang na batang lalaki na mula sa Laguna.





Comments