Balanga, naka-P1-milyon sa Magiting Cup C’Ships
- A. Servinio
- Sep 22, 2019
- 2 min read

Naiuwi nang Wilkins Balanga ang tumataginting na P1-M sa matagumpay na pagwawakas ng Chooks To Go Pilipinas 3X3 Magiting Cup sa SM Megamall Biyernes ng hapon. Napiling Most Valuable Player ng torneo si Alvin Pasaol ng Balanga kung saan siya ang namuno sa makapigil-hiningang 21-19 na panalo sa Equalivet Pasig.
Sumabog si Pasaol para sa 12 puntos kasama na ang huling buslo na tinuldukan ang laban na may 1:43 pang nalalabi sa oras. Sa mahigpitang pagtatapos, winasak ng dos ni Karl Dehesa ang huling tabla, 20-18, subalit sinagot ito agad ni JR Alabanza para lumapit ng isang puntos ang Pasig, 19-20 at napunta ang bola kay Pasaol na sumaksak sa ilalim para sa kampeonato. “Hindi muna ako sasali sa darating na PBA Draft at tatapusin ko ang aming misyon at iyan ay makalaro ang Pilipinas ng 3X3 sa Tokyo Olympics,” wika ni Pasaol. Bago ginawaran ang mga nanalo, hinayag sa lahat ng manonood ng may-ari ng Pilipinas 3X3 na si Ronald Mascarinas na sisikapin nilang ganapin sa Pilipinas ang Olympic qualifying tournament sa 2020. Kahit numero uno sa bisa ng kanilang dalawang kampeonato sa una at ikatlong yugto ng serye, hindi naging madali para sa Balanga lalo na sa semifinals kung saan nasubukan talaga sila ng kampeon ng pangalawang yugto ang Phenom Basilan CTC Construction, 21-18. Tinalo ng Balanga ang Partas Narvacan sa q’finals, 22-11.
Maliban sa tinanggap na salapi at inihaw na manok, ipadadala ang Balanga sa FIBA 3X3 Challenger sa Jeju, South Korea sa Okt. 5. Nauna nang umalis ang Pasig patungong Kaohsiung Challenger sa Taiwan na nagsimula kagabi.
May P.5-M ng Pasig para sa 2nd Place habang ang 3rd Place ay P250,000 na napunta sa Fyr Fyter Bacolod na nakaharap ng Pasig sa semis sa isa pang mahigpit na laro na nagtapos sa 21-19. Binigyan din ng P10,000 ang Narvacan para sa pinakamabilis na panalo, 6:01 kontra sa Adobo Connection Bulacan sa qualifying round, 22-13 at harapin ang Balanga sa q’finals.





Comments