Babala sa mga magulang na mahilig mag-Post ng Grades ng mga anak
- Ryan B. Sison
- Sep 22, 2019
- 2 min read

Kapag nakakuha ng mataas na grado o nakatanggap ng certificate ang anak, excited ang ibang mga magulang na i-post ito sa social media dahil proud sila.
Kung para sa marami ay okay lang ito, mayroong babala ang Department o Education (DepEd). Ayon sa kagawaran, ang pagpo-post sa socmed ng report cards, certificates at IDs ng estudyante ay naglalaman ng mga sensitibong impormasyon na puwedeng magamit sa identity theft o pagnanakaw ng pagkakakilanlan.
Samantala, ayon sa isang nanay na proud na proud mag-post ng report card ng anak sa socmed, ito ay dahil nakararamdam siya ng satisfaction kapag nakatatanggap ng magagandang komento sa grado ng kanyang anak.
Pero paalala ni Usec. Tonisito Umali, ang simpleng intensiyong ipagmalaki ang achievements ng anak ay puwedeng mauwi sa problema. Aniya, sa ilalim ng Data Privacy Act, dapat protektahan ang sensitibong personal na impormasyon tulad ng pangalan at learner’s reference number o LRN, pangalan ng mga magulang, birthdate at address ng bahay.
Bukod sa personal na impormasyon, dapat din aniyang pangalagaan ang LRN na bukod-tangi sa bawat mag-aaral. Kapag napunta ang LRN sa maling kamay, puwede itong kopyahin at gamitin sa hindi magandang gawain.
Gayunman, nilinaw ng DepEd na walang nilalabag na probisyon sa Data Privacy Act ang mga magulang, pero hindi nawawala ang peligro kung ang mga sensitibong impormasyon ay mapupunta sa masasamang-loob. Gayundin, hindi lang impormasyon ang maaaring gamitin sa masamang gawain dahil ang laman ng report card, certificate at ID ay ganundin. Madali umanong kopyahin ang mga laman ng mga ito para gamitin sa pansariling kapakanan.
Totoong masarap ipagmalaki ang matataas na grado ng ating mga anak, pero ngayong napakadaling makopya ang mga ipino-post natin, dapat nating unahin ang kanilang seguridad kesa sa mga papuri na maaari nating matanggap.
Panawagan sa mga magulang, oks lang maging proud sa achievements ng anak, pero hinay-hinay lang sa pagpo-post sa socmed.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments