Tea House hinoldap, vendor kulong

Kalaboso ang isang vendor matapos holdapin ang isang tea house sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Noel Flores ang naarestong suspek na si Thomas Jefferson Cube, 37, ng Bgy. 176, Bagong Silang.
Ayon kay Col. Flores, ala-1:00 ng hapon, pumasok ang suspek sa Milktealicious na matatagpuan sa Bgy. 175, Camarin at nagpanggap na kostumer.
Naglabas ng electric taser ang suspek saka tinutukan ang bantay ng tea house sabay nagdeklara ng holdap bago kinuha ang kinita na aabot sa P1,200 bago tumakas.
Humingi naman ng tulong ang biktima sa mga tauhan ng Caloocan Police Community Precinct 5 na nag-papatrulya malapit sa naturang lugar na nag resulta sa agarang pagkakaaresto sa suspek.
Ani Caloocan Police Deputy Chief for Administration PLt. Col. Ferdie del Rosario, nabawi sa suspek ang kinulimbat na pera at armas na ginamit sa panghoholdap.





Comments