6 timbog sa droga

Anim katao na nasa drug watchlist ang arestado sa ikinasang buy-bust operation sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Carlito Gaces, alas-12:30 ng hating-gabi nang ikasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni P/Capt. Segundino Bulan, Jr. ang buy-bust operation kontra kina Jayson Morales, 49, at Gregorio Garcia alyas Bano, 41.
Nakabili si PCpl. Kenneth Marcos na nagpanggap na poseur-buyer ng isang sachet ng shabu kay Morales kapalit ng P200 marked money at nang magbigay itong hudyat na nagkaabutan na, agad lumapit ang backup na si PCpl. Christian Rey Corpuz saka dinamba ang suspek.
Dinamba rin ni PSSg. Ernesto Lastimosa si Garcia at nakuha sa kanya ang isang sachet ng shabu habang narekober naman kay Morales ang apat na sachets ng shabu, buy-bust money at P200 bill.
Nauna rito, alas-11:50 ng gabi nang masunggaban din nina PCpl. Erwin Mendez, PCpl. Julius Bernardo at PCpl. Glenn de Chavez sa hiwalay na buy-bust operation sa Malinta, si Melvin Balcruz, 45, na binentahan ng isang sachet ng shabu si Pat. John Kenneth Terrenal na umaktong buyer kapalit ng P300 marked money.
Ani SDEU Investigator PSSg. Carlos Erasquin, Jr., kasamang nadakip sina Victor Pablico, 44; Lauro Avellaneda, 37, at Mervin Cruz, 37, nang maaktuhang nagsa-shabu habang nakuha kay Balcruz ang limang sachets ng shabu, buy-bust money, P90 bill at pouch.





Comments