Pondo kontra ASF, aprub na

Daan-daan nang hog raisers ang apektado ng African Swine Fever (ASF).
Karamihan ay walang natira sa mga alaga nilang baboy. ‘Yung iba, namatay dahil sa sakit habang ang iba naman ay kinumpiska na.
Kaugnay nito, naglaan ang Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng Bureau of Animal Industry (BAI) ng P78 milyong emergency fund para pigilan na ang pagkalat ng ASF.
Ang nasabing pondo ay gagamitin para sa biosecurity and quarantine measures; disease monitoring and surveillance; upgrade sa laboratories at iba pang control measures.
Nakatakda rin umanong magpulong ang National ASF Task Force (NATF) para sa inter-agency coordination sa tulong ng mga local government unit (LGU) at pribadong sektor.
Ang NATF ay pangungunahan ng pangulo bilang chairman at ang DA ay tatayong vice-chair at lead agency.
Pag-uusapan sa pulong ang mga gagawing hakbang ng gobyerno upang pigilan ang pagkalat ng ASF sa iba pang bahagi ng bansa.
Sa pagkalat ng ASF at pagkamatay ng mga baboy, higit pa sa kabuhayan ang nawawala.
May mga hog raiser na umaasa mula sa mapagbebentahan ng alagang baboy para ipambili ng gamot o pang-opera ng asawa o anak na may sakit.
Kung apektado ang industriya, ganundin ang mga pamilya na ito lang ang ikinabubuhay.
Habang pinipigilan ang pagkalat ng ASF, sana, matulungan din ang mga hog raiser.





Comments